NAKULONG SA UTANG?

Karamihan ng tao ay nag-aakala na kapag kinasuhan sila ay maari na silang makulong. Para sa mga taong isang damukal ang utang sa iba’t-ibang credit card companies, mga bangko, kaibigan at kamag-anak, pwes, may maganda balita ako sayo:

Walang nakukulong sa utang.

Ito ay nakalagay mismo sa ating Saligang Batas:

Section 20. No person shall be imprisoned for debt or non- payment of a poll tax.

Iniiwasan ng ating Saligang Batas na mapilitang gumawa o magsilbi ang may-utang sa kanyang pinagkakautangan para lamang umiwas sa pagkakakulong na masasabi narin nating isang uri ng pang-aalipin o slavery.

Ngunit pano naman ang mga swindler at estafador sa lipunan?

Sa simpleng linguwahe, ang estafa ay panloloko.

Ang panloloko ay iba sa lihitimong utang. Ang lihitimong utang ay kung saan ang taong umutang ay may intensiyon talagang magbayad. Siguro dahil sa hindi inaasahang bagay tulad ng pagbagsak ng negosyo o pagkatanggal sa trabaho ay hindi niya kayang bayaran ang kanyang utang kapag dumating na ang araw ng singilan.

Ang mga manloloko naman, ay talagang walang intensiyong magbayad o magsoli ng pera sa simula pa lamang. Kaya nga manloloko e.

Dito pumapasok ang elementong fraud. Kaya ang mga estafador ay pinaparusahan ng ating Revised Penal Code ng kulong hindi dahil sa may utang sila, kung hindi dahil, manloloko sila.

Ganyan din ang prinsipyo ng Bouncing Check Law o kilala bilang BP 22 (Batas Pambansa Bilang 22). Pinaparusahan ang nag-issue ng tseke hindi dahil sa may utang siya, kundi dahil nag-issue siya ng talbog na tseke na maaring makasira sa integridad ng paggamit ng tseke sa iba’t-ibang transaksyon sa lipunan.

Ngunit pano naman makakabawi ang pinagkaka-utangan mo?

Bilang nagpapautang, hindi ka pwedeng mag-ala-Rambo at pumunta sa bahay ng taong may utang sayo at limasin ang kanyang mga gamit na walang court order.

Light Coercion aabutin mo niyan at ikaw pa makukulong!

(Revised Penal Code. Art. 287. Light coercions. – Any person, who by means of violence, shall seize anything belonging to his debtor for the purpose of applying the same to the payment of the debt, shall suffer the penalty of arresto mayor in its minimum period and a fine equivalent to the value of the thing, but in no case less than 75 pesos.)

Biruin mo, ikaw na nagpautang, nakulong kapa. Ang swerte naman ng may utang sayo.

Kaya dapat, daanin mo sa tamang proseso. Yan ay ang pagsampa ng civil case for sum of money.

Oo, kaso rin yun, kaso walang kulong.

Pero kapag nakakuha kana ng Court Order na tinatawag na Writ of Execution…..Its pay back baby!

Kasama ng Court Sheriff, maari kanang pumunta sa bahay ng may utang sayo para singilin siya. Kung walang paring pambayad,  unahin mo na ang plasma tv niya sa sala, isama mo na rin ang magic sing. Ngunit hindi lahat pwede mo kunin, may limitsyon rin (Rules of Court Rule 39 Sec. 13).  But still you will not be left empty handed.

Maari mo rin i-levy ang real properties ng may-utang sayo, kung saan ibebenta ng Sheriff ang mga lupain niya para pambayad sa utang.

Kung wala talaga, hindi mo mapipilit, pasensyahan na lang. Tawag dyan, Paper Judgment. Panalo ka lang sa papel.

Kaya bago mag-pautang, alamin ang kakayahan ng pag-papautangan.

Sa mga nangungutang naman, huwag umutang kung hindi kaya bayaran. Hindi ka man pwede ikulong sa ginawa mo, nahusgahan ka naman ng lipunan bilang balasubas. Para ka na ring kinulong.

“Debt is the worst poverty”  – Thomas Fuller, Gnomologia, 1732

9 responses to “NAKULONG SA UTANG?

  1. pare ka pala este ginoo, pasensya po…

    dapat sir, sa elementary pa lang ay itinuturo na ang mga ganitong aralin…baka medyo may ikaayos ang bansa naten…

    salamat dito sir…

  2. Naku mawawalan kami ng trabaho niyan alaehboi!

  3. pwede brother…heheh

  4. Papa Euge,

    Brod! Welcome!

  5. salamat sa information, atty. astig ng blog mo. sarap maging atty. pwede na ako apply ng credit card haha.

  6. No prob pare. Dami credit card dyan kaliwat kanan hehe..

    • kuya, ask lang po. panu po kung ayaw po pumayag ng pinag kakautangan ko na hulugan ko ng paunti unti ang nautang ko?

      • Rob aka Tito Boy

        Lady,

        Hindi kasi mapipilit ang creditor (pinag-kautangan) na tanggapin ang bayad na hindi buo o ayon sa pinagkasunduan ninyo.

        Pero, may remedyo yan, eto yung “consignment”.
        Ibig sabihin, ide-deposit mo sa korte ang bayad kung ayaw tanggapin ng creditor mo.
        Para hindi pa tumakbo ang interes, kesa papabayaan mo lang.

        Ayaw ba talagang tanggapin? Magkano ba ang usapan ninyo? Ano ba sabi sayo nong babayaran mo siya?