JUST-TIIS FOR ALL

Galing ako kaninang umaga sa isang hearing sa may Makati. Alas-9 ang hearing pero 8:00 am andun na kami ng client ko.

8:35 am na nagbukas ang sala ni judge at sa inaasahan, late na nagsimula ang bista. Kung tutuusin mas maaga pa nga ito kumpara sa ibang korte kung saan 2 oras ang hihintayin mo para magsimula ang hearing.

Sa tagal ng hinintay namin dun, ay na-reset lang ang bista sa buwan ng Enero.

Nang lumabas na kami ng client ko and sabi niya sa akin, “Ang hirap ng trabaho ninyo, lagi nalang reset. Ganyan din yung isang kaso ko, sobrang tagal na, nakabinbin parin.“,

Natawa na lang ako at napailing…tsk tsk

Bakit nga kaya? Eto ang dalawang dahilan na nakikita ko:

1. Kulang sa mga hukom.

Ayon sa ulat ng Congressional Planning and Budget Department ng House of Representatives, bawat isang hukom ay may average case load na 3,062 sa MeTC at 677 sa RTC.

Bukod pa yan sa pumapasok na daan-daang kasong sinasampa buwan-buwan.

Hindi pa lahat ng branch ay may hukom kaya bawat isang hukom ay may average na 2 hanggang 3 branch na hawak bilang pairing o assisting judge.

E mabuti kung yun lang ang ginagawa ng mga hukom natin. Ang mga hukom ay para ding mga pulitiko na iniimbitahan at dumadalo sa mga iba’t-ibang salu-salo, okasyon at pagtitipon.

Halos taon-taon din sila pinapadala ng ating gobyerno sa ibang bansa upang dumalo sa mga conferences at seminars. Karamihan din sa kanila ay nagtuturo sa iba’t-ibang pamantasan. Hindi mo rin sila masisisi dahil maliit ang sahod ng hukom kumpara sa mga private lawyers (pwera lang siguro sa akin) kaya rumaraket sila, ngunit hindi naman ito pinagbabawal.

Maraming trabaho, konti sweldo, palakasan pa sa promotions. Kaya ayaw ng iba pumasok sa serbisyo publiko at maraming bakanteng sala na walang hukom hanggang sa ngayon.

2. Dahil din sa ibang abugado.

Hindi maikakaila na minsan, ang abogado rin ang dahilan sa pagbagal ng usad ng kaso.

Kung ano-anong pleadings at motions ang pina-file. Minsan, mahahalata mong dine-delay lang para ma-frustrate ang kalaban o para hindi mapaalis sa lupang hindi naman dapat sila ang nandoroon.

Madalas, alam namang talong-talo na ang kaso, pilit pa ring inaapela sa Court of Appeals o sa Korte Suprema para lang mapanatili ang status quo.

Ang iba, sadyang pinapatagal ang kaso para makasingil pa ng mas malaki, na sa tinging at opinyon ko kasama na ang karamihang abogado, ay MALI. Iilan-ilan lang naman sila and it is an exception rather that the general rule.

Bukod dito marami pang maliliit na dahilan bakit inaamag ang mga kaso sa Pilipinas.

Kaya ang mga kasong natutuloy sa paglilitis ay inaabot ng 5 taon pataas bago makakita ng liwanag. Ang iba nga ay patay na ang mga partido hindi parin natatapos.

Mayroon namang mga paraan na ginagawa ang ating Korte Supreme para mapabilis ang disposisyon ng mga kaso at ito ang ilalatag ko sa mga susunod na post.

“Delay in justice is injustice” – Walter Savage Landor (1775 – 1864)

3 responses to “JUST-TIIS FOR ALL

  1. slooow.. hehe., welcome to Philippines.!😄

  2. Nakakahiya man aminin…

  3. nakakalungkot naman ito atty., hindi ba pwede na yong daan-daang milyon na pondo ng Gobyerno na napupunta na lang kung saan-saan, eh idagdag na lang sa sweldo ng mga hukom — pero imposible ang sinasabi ko hahays.

    salamat po. tambay ako lagi dito sir. astig ka talaga🙂