WRIT OF WHAT? (Martial Law ni Macoy vs. Martial Law ni Gloria)

HOT NA HOT NGAYON ANG TOPIC NA MARTIAL LAW dahil sa pagdeklara ni Gloria ng Batas Militar sa Maguindanao. Siguro, gusto niya humabol sa idol niyang si Marcos at kahit papaano ay makadeklara rin siya ng kanyang Martial Law bago matapos ang termino.

Ayaw ko sanang patulan ang topic na ito, kaso lahat na ata ng abugado nagsalita na sa radio, pahayagan at telebisyon.  Ako na lang ata ang hindi, syempre hindi tayo papahuli. Kahit libre lang ang serbisyo ko para sa inyo ay (ahem) may naitatago rin naman akong kaalaman sa political law.

Sa dami ng nagsalita, tanungin ninyo ang sarili ninyo kung naintindihan ninyo nang lubusan ang kanilang mga paliwanag ukol sa Batas Militar…o mas lalo bang gumulo?

Hindi ko rin masisisi ang mga mabubuti kong pañero kasi minsan , kala nila nagdi-discuss sila sa harap ng mga law students kapag nagpapaliwanang. At saka minsan, talagang may mga terminolohiya talagang walang katumbas sa ordinaryong wika tulad ng writ of habeas corpus. Writ of what? Maya-maya ko tatalakayin yan…easy lang.

Hahayaan ko na lang kina Atty. Roque, Atty. Diokno, Sen. Enrile, Sen. Salonga at iba pang luminaries para magsabi at magbigay ng opinyon kung legal ba ang deklarasyon ng Batas Military ni Gloria sa Maguindanao. Ang ipapaliwanag ko nalang sa mumunting blog na ito ay kung ano ang pinagka-iba ng Martial Law ni Marcos at Martial Law ni Gloria at kung may dapat ba tayong ipangamba kung isang araw ay biglang mawala na sa katinuan si Gloria (bakit matino pa ba?)at ipasailalim ang buong bansa sa Martial Law at bulagain nanaman tayo pag-gising natin (habang  may muta-muta pa) tulad ng nangyari noong nakalipas na Sabado.

And so, without further ado…

Para sa mga kaibigan nating hindi alam ang pinagkaiba ng Martial Law sa Martial Arts, pwes, sit back, relax and prepare for some mental exercises.

ANO BA TALAGA ANG MARTIAL LAW?

Sa simpleng paliwanang, ang Martial Law ay kung saan ang sibilyan na gobyerno na pinamumunuan ng mga taong ating hinalal ay hindi gumagana pansamantala sapagkat ito ay kukunin ng Militar sa pamumuno ng Commander-in-Chief na atin ding presidente, kaya nga Batas Militar ang tawag (wow yun lang pala yun).

Ang magandang tanong diyan, bakit naman kasi gugustuhin pa ng isang demokratikong bansa (ngunit maraming napapatay na journalist) tulad ng Pilipinas na ipasailalim sa Batas Militar, kailangan ba talaga ito?

Ang Batas Militar ay necessary evil dahil may mga pagkakataon na kinakailangan ng agarang aksyon ng ating Militar upang masupil ang rebelyon o pananakop para sa kaligtasan ng publiko.

ANO BA YANG HABEAS CHURVA NA YAN?

Isa sa kakambal na aspeto ng Marital Law ay ang suspension ng writ of habeas corpus. (Hindi ito automatic sa pagdeklara ng Martial Law)

Writ of what? Kamag-anak ba yan ni Col. Corpus ng ISAF? Hindi po. Hindi po tao ang habeas corpus.

Ang habeas copus ay latin term na ibig sabihin ay literal na “bring the body” (karamihan kasi sa batas natin ay nagsimula nung panahon ng mga Romano kaya maraming terminolohiyang latin ang ngayon ay gamit pa rin). Ito kasi ay isang remedyo na maaring isampa sa husgado ng mga kamag-anak, kaibigan o kakilala ni Juan na ikinulong o nasa kustodiya ng iba na walang legal na basehan. Uutusan ng husgado ang tao (pribado o taong gobyerno) na may hawak/kustodiya kay Juan at ipaliwanag sa korte ang kanyang legal na basehan sa pag-detain kay Juan. Kung makita ng korte na wala naman legal na basehan para ikulong si Juan dahil wala naman siyang kasong kinakaharap, ay iuutos ng korte na pakawalan siya.

Ano naman kinalaman nito sa Batas Militar?

Dahil sa pangangailangan na supilin ang rebelyon o pananakop, syempre agad na dadamputin ng estado ang mga taong may kinalaman dito at ipapasailalim sa interogasyon na wala pang kasong sinasampa laban sa kanila. Ang unang gagawin ng mga kamag-anak, kaibigan o kakilala ng dinampot ay syempre mag-file ng petition for the issuance of a writ of habeas corpus, para magkaalaman kung bakit siya naka-detain at kung ano ang kasong kanyang kinakaharap. Kung may kaso na nakasampa laban sa kanya ay pwede na siyang mag-bail o piyansa para makalabas ng pansamantala (provisional liberty) habang nililitis ang kaso.

Kaya kung suspendido ang pagkuha ng writ of habeas corpus ay hindi makakaporma ang mga kamag-anak, kaibigan o kakilala nila (pati narin ang kanilang masigasig na abugado) at hintayin na lang nila ang kasong isasampa laban sa taong dinampot, yan ay kung alam nila kung sino dumampot at saan naka-detain ang pobreng tao. Para naman sa estado, ay tuloy-tuloy ang kanilang interogasyon na walang inaalalang makulit na abugadong magsasampa ng petisyon para makakuha ng writ of habeas corpus.

Parang nakakatakot diba? Dadamputin ka ng taong hindi mo kakilala, hindi mo alam ano ang kaso laban sa iyo at hindi mo alam saan ka dadalhin. Isipin mo na rin ang pag-aalala ng mga kamag-anak, kaibigan at kakilala mo na hindi alam san ka pupuntahan at sino ang lalapitan para malaman ang iyong kalagayan dahil suspendido ang writ of habeas corpus.

ALIN, ALIN, ALIN ANG NAIBA?

Teka…bago kayo magtitili na parang baliw at magwala sa takot… huwag kayong mangamba dahil malaki na ang ipinagkaiba ng Martial Law ni Macoy at Martial Law ni Gloria.

Ang Martial Law ni Macoy ay base sa 1935 Constitution kung saan nakasaad lang ay:

“The President shall be commander-in-chief of all armed forces of the Philippines, and, whenever it becomes necessary, he may call out such armed forces to prevent or suppress lawless violence, invasion, insurrection, or rebellion. In case of invasion, insurrection, or rebellion or imminent danger thereof, when the public safety requires it, he may suspend the privilege of the writ of habeas corpus, or place the Philippines or any part thereof under Martial Law.”

Kung titignan ay napakasimple lang ng probisyon na ito pero napakalawak naman ang kapangyarihang iniatas sa pangulo. Malaki kasi ang tiwala ng mga gumawa ng 1935 Constitution na hindi aabusuhin ng presidente ang kapangyarihang ito hanggang nahalal si Marcos na malikot ang utak (abogado kasi, top notcher pa sa bar) at malaki ang ambisyon. Kaya noong dineklaraya niya ang Batas Militar, ay hindi na niya ibinalik sa kamay ng taumbayan ang pamumuno at nanatili sa kanya.

Ang masama noon, ay ginamit pa niya ang batas military hindi para supilin ang rebelyon (at hindi naman nasa kritikal na kondisyon) kundi burahin ang kanyang mga kalaban sa pulitika. Marami ang hinuli at nawala na lang na parang bula. Sinarado ang kongreso at husgado. At ang pinakamasakit…pati ang mga bata musmos na tulad ko noon ay pinilit gupitan ng style na “pisong kanin”. Sa hindi alam kung ano yun, tignan nyo na lang ang mga litrato ng tatay at nakakatandang kapatid noong bata pa sila at iyong pagtawanan.

Ngunit natuto na tayo kay Macoy, kaya noong 1987 Constitution, ay katakot-takot na “safeguard” ang nilagay sa probisyon ayon ng Martial Law tulad ng:

1. Tinanggal na ang katagang “imminent danger thereof”. Kaya dapat hindi na kathang isip ang rebelyon o pananakop kung hindi isang ganap na pangyayari bago mag-deklara ng Batas Militar.

2. Ang Batas Militar ay may buhay na lang ng 60 araw at automatic na mawawalang bisa matapos ang 60 araw, pwera na lang kong papalawigin ng Kongreso (pagsinabing Kongreso ito ay ang Senado at House of Representatives).

3. Sa loob ng 48 oras ay kailangan nang mag-sumite ng President ng ulat o written report sa Kongreso. Sa loob ng 24 oras, ang majority ng Kongreso naman sa pamamagitan ng botohan (jointly) ay maaring i-revoke ang deklarasyon ng Batas Militar kong makitang wala naman itong basehan.

4. Ang Korte Suprema naman ay binigyang nang hurisdiksyon (dati wala ito) para mag-review ng petition na isinampa ng kahit sinong mamamayan na kumukwestiyon sa deklarasyon ng Martial Law, upang malaman kung talaga bang may factual basis ang pagkadeklara.

5. Ang suspensyon din ng Habeas Corpus ay maari lamang i-apply sa mga taong sasampahan ng kasong rebelyon at may kinalaman sa pananakop at dapat ay sampahan sila ng kaso sa loob lamang ng 3 araw. Kapag kaso mo ay jaywalking lang at walang kinalaman sa rebelyon, swerte mo, sisikatan kapa ng araw.

6. At ang pinaka-importante, tuloy parin ang operasyon ng kongreso, korte at ibang ahensiya ng gobyerno.

At saka meron pa, kung suspendido man ang Writ of Habeas Corpus, pwede naman mag-aaply ng Writ of Amparo for those whose right to life, liberty and security is violated.

Writ of what? Yan kananaman, next post ko na yan. Nagutom nako kaka-discuss ng habeas corpus.

Kaya huwag tayong matakot dahil malaki ang kaibahan ng Martial Law ni Macoy sa Martial Law ni Gloria. Natuto na tayo.

Sabi nga nila….NEVER AGAIN.

Ano sa tingin nyo?

The cynic says, “One man can’t do anything”. I say, “Only one man can do anything.” – John W. Gardner

4 responses to “WRIT OF WHAT? (Martial Law ni Macoy vs. Martial Law ni Gloria)

  1. Tito Boy,

    Ayus, sakto ang pamagat ng blog mo na ‘to!

    Ramdam ko ang bisa ng Writ of Habeas Corpus. Minsan nang nangyari sa ‘kin ‘yan. 2 linggo akong kinulong sa Camp Bagong Diwa noong Peb 1-14, 1988. Ganun katagal na wala akong nakitang kamag-anak, kaibigan…

    Pagsapit yata ng a-15, dinala ako ng military at police escort sa superme court. Dahil pala ‘yon sa Habeas Corpus na ipinayl ng ermats ko.

    Ang kaso kong ito ay mauungkat pagsapit ng 1992. Naging laman ng mga editoryal ng midya. At tatawagin itong Umil vs. Ramos, ang precedent ng Warrantless Arrests.

    Unang basa ko pa lang dito e, alam kong mapapadpad ulit ako. Naalala ko sa ‘yo ang 2 kaibigang abogadong manunulat: sina Attys. Fermin Salvador at Perfecto Caparas.

    Kasuhan mo kaya ako kung idadagdag ko ‘tong blog mo sa blogroll ko?

    Mabuhay ang mga mahirap umintindi!
    😉

  2. Ang lupit pala ng sinapit mo abetumil.
    Napag-aralan ko kaso mo dati, isa na siyang landmark case sa warrantless arrest na gagawin kong paksa dito sa mga susunod na blog. Mabuhay Ka!

    Kaya pala napaka -talentadong talinghaga mo heheh…add din kita sa blog roll!

  3. Ayus!

    Tangkilikan.

  4. writ of wat!>? haha! ay hihintayin ko yang amparo nayan, bago sa pandinig! ^^