DUDE, WHERE'S MY CAR (Conclusion)

MATAPOS PIRMAHAN ang lahat ng kontrata sa bangko ay sa wakas, nalabas din ang bago mong sasakyan. Kahit may konting pag-aalinlangan sa isip mo kung tama ba talaga ang ginawa mo, napawi rin ito ng amoy ng bagong upuan at dashboard. Ang amoy na hindi mararanasan ng mga bumibili ng second hand car (na tulad ko hehe).

Butas man ang bulsa mo sa down payment, chattel mortgage fee, insurance premium at LTO registration fee (hindi pa kasama ang credit investigation fee at processing fee ng bangko) ay bawi ka naman sa “freebies“. Libreng mattings, tint, seat cover, at may payong pa! Ang cute diba?

Hindi rin matatawaran ang libreng periodic maintenance service (pms) sa ika-1,000 km kaya wala kang problema sa ika-unang buwan.  Sino rin ang tatalo sa  3-year or 100,ooo kms (whichever comes first) warranty on selected parts?

At syempre ang ultimate experience… ang pag-maneho mo palabas ng casa ng iyong bagong-bago at kumikinang na tsikot at nakabalot pa ng plastic ang mga upuan. Ni wala pang issued LTO plate kundi nakalagay lang ang katagang “FOR REGISTRATION”.

HAYUP! Instant 10,000 pogi points!

Minaneho mo pauwi na ubod ng ingat ang bago mong tsikot, at kung iliko mo sa intersection ay daig mo pa ang 10-wheeler truck sa distansya mula sa poste. Mahirap na magasgasan. Pagdating sa subdivision mo, nakita mo ang mayabang mong kapitbahay na lumuwa ang mga mata at tulo ang laway na parang asong ulol sa inggit.

Matapos ang ilang araw, napansin mo na ang dati mong mga crush ay biglang tinetext at pinapansin ka na, samantalang dati ay isa ka lang tuod sa kanilang mga mata at parang hindi ka nag-e-exist pag-nakaka-banggaan mo sila sa Divisoria. Lumipas ang ilang linggo at buwan, ang sarap ng feeling. Sana ganito na lang ang buhay.

Ngunit, sadyang palabiro talaga ang tadhana. Pagpasok mo ng isang umaga ay biglang nagsara ang kumpanyang pinapasukan mo dahil mahina ang produksiyon, dala na rin ng credit crunch sa US. Hindi ka na rin pinapasok sa loob at ibinigay ang last pay mo.

Umabot ang ilang buwan hindi ka parin nakakahanap ng trabaho at nagastos mo na rin ang huling perang naipon mo sa bangko. Naubusan ka na ng bala. Hindi ka na rin nakakabayad sa bangko patungkol sa bago mong sasakyan. Saka mo napagtanto na hindi pala nakakain ang dashboard at upuan ng auto mo. Hindi mo na rin nagagamit ang tsikot mo dahil tumaas na rin pala ang presyo ng gasolina kagabi. Hindi rin pala naiinom ang unleaded, wika mo.

Broke, jobless and desperate ay dinaan mo na lang sa tulog. Baka sakaling paggising mo bukas ay isa lang pala itong bangungot. Haaayyy….

Alas-singko ng umaga ay bigla ka na lang nagising sa malakas na lagabog ng pintuan. “Sino ba yang lintik na yan, kay aga-aga?” Hindi kapa nakakahilamos ay binuksan mo ang pinto. Nang binuksan mo ang pinto ay tumambad sayo ang  tatlong mama at ang isa ay may hawak na papel at inabot sayo:

Gandang umaga po, ako po ang Sheriff ng Pasay RTC, may writ of replevin po kami dito inissue ng judge para kunin ang sasakyan

“Huh?! Teka, wala naman akong natatanggap na notice na may kaso pala ako.”

“Kaya nga ito po ang Summons ng kaso na may kasamang writ of replevin”

“Writ of what?!”

Writ of replevin po or writ of seizure. Nakalagay po dito na inuutos po ng judge na habang nililitis ang kaso ay nasa possession muna ng plaintiff na bangko ang sasakyan, mahirap na po kasi baka itago ninyo ito habang nililitis.”

“E bakit hindi man lang ako abisuhan bago ninyo kunin ang sasakyan?”

“Ayaw po kasi namin mawala ang element of surprise. Kadalasan po kasi kapag inaabisuhan ay tinatago na ang sasakyan bago matapos ang kaso. Huwag po kayong mag-alala, bonded po naman ito ng doble ng halaga ng sasakyan. Ibig sabihin, nagdeposito po ang bangko ng pera sa korte, na kung sakaling mapatunayang mali ang pag-issue ng writ of replevin ay babayaran kayo galing sa perang ito. Pero sa ngayon po ay kukunin muna namin ang sasakyan”.

Hindi mo na naintindihan ang mga sinasabi sayo ng Sheriff dahil blangko pa ang utak mo. Napansin mo rin na nakatingin ang buong kapitbahay mo habang kinukuha sa iyo ang susi ng sasakyan. Pinagdarasal mo na sana bumuka ang lupa at lamunin ka na lang sa sobrang kakahiyan ng iskandalong dinulot nito.

Nawalan ka na ng sasakyan, hindi pa ibabalik ang ibinigay mong down payment at kung ano-anung mga fees na siningil sa iyo. Malas talaga. Ngayon mo na-realize na mas mura pala ang mag-commute at sa susunod ay paghahandaan muna ang pagbili ng sasakyan. Baka magsimula ka muna sa maayos na second hand na mas hamak na mura ng 10 beses kesa sa bago. Charge it to experience. Life must go on.

————–

“There are plenty of ways to get ahead. The first is so basic I’m almost embarrassed to say it: spend less than you earn.” – Paul Clitheroe

9 responses to “DUDE, WHERE'S MY CAR (Conclusion)

  1. Binabati ko pala si Jackielyn Arellano at Ritchell Cruz ng AMA Bank, my avid blog followers! haha

    • tito boy….maraming salamat po sa inyong pagbati…binabati ko din po kayo kung nasaan mang lugar po kayo ngayon..

  2. nice blog. can you be my author here’s my e-add lleryd@yahoo.com. tnx1

  3. Wala pala talaganag lusot sa kanila kapag inabot ng malas, kaya dapat nga bago magpasikat ay siguruhing malalim ang bulsa para may madukot sa oras ng pangangailangan.
    Salamat dito. Maligayang pasko!

  4. Mssy I appreciate your offer. Ginawa mo pa akong stall sa recto na tumitira ng assignment, reaction paper, research paper at thesis haha.

    Thanks for dropping by.

    Have a nice day!

  5. Nikkineil Santos

    Atty. Tito Boy, I admire your blog… Lufet. Ahteg. Kewl. hahha. Pwede bang magcontribute dito as guest writer? – Soon to be Lawyer Butch Startalk -ang karibal n i Tito Boy. haahha

  6. Brother, pinost mo ang name mo kaya’t tiyak aabangan yan sa paglabas ng bar sa Mayo 2010 ng mga napapadaan dito sa BPMU haha.

    Magsulat ka at submit mo sa email ko. Tulungan mo ako magpaintindi.

  7. =) kawawang tao; w ala ng auto, yabang kasi haha! ^^ pero pag ganun po may kaso pa yun? may mga hearing hearing pa? pagbabayarin pa sya or soli alng sasakyan ok na?

    • Technically, pwede pang humingi ng kulang (deficiency) ang mga bangko kung hindi sapat yung halaga ng sasakyan sa halaga ng utang. Pero karamihan sa kanila hindi na ginagambala ang tao kung nakuha na ang sasakyan.

      Kawawa naman yung tao, hindi na nga mababalik yung downpayment at buwanang bayad, kinuha pa yung sasakyan hehe..