PLASTIK REVOLVER

USONG-USO ngayong Pasko ang plastik. Lahat na ng establisimento ay tumatanggap ng plastik. Nagsulputan narin ang iba’t-ibang uri ng plastik, may silver, gold at platinum.

Ito ang plastik ng ilang sandaling ligaya. Bili dito, bili doon. Kaskas dito, kaskas doon. I-pod, laptop, camera, sapatos, etc…you name it, i’ll swipe it. Tawag nga ng iba dito ay “Christmas Bonus“.

Pero sa likod ng ligayang dulot ng plastik, naisip mo ba na ang plastik na ito ay isang kontrata?

Isang kontrata na magbabaon sayo sa lupa. At tulad ng tunay na plastik, hindi ito nabubulok. Ngunit mas malala pa ito sa tunay na plastik dahil bukod sa hindi ito nabubulok, lumalago pa ng interest.

Ang credit card ay isang utang, plain and simple. Bawat kaskas mo ng plastik ay binabayaran ng bangko ang bagay na binili mo. Ang bangko naman ang siyang maniningil sa iyo.

Bawat kaskas mo, ay may maliit na porsyento rin ang mga bangko. Pero hindi sila dyan tumitiba kundi sa interest. May dalawa kasing uri ng credit card payer, meron yung laging binabayaran ng buo buwan-buwan ang bill at meron naman yung nagbabayad lang ng minimum due na tinatawag na revolver.

Ang mga revolver ang bread and butter ng credit card companies. Kapag minimum due lang ang binayad mo, papatak agad ang 3% interest per month. Kapag nahuli kapa ng bayad kahit isang araw lang, ay tatambad na sayo ang another 3% penalty charge.

Kung susumahin 6% PER MONTH! Kung hindi mo nauunawaan ang laki nito, pwes makinig ka. Ang housing loan at auto loan products ng mga bangko ay pumapatak lang ng 9-12% per annum. That is PER ANNUM, sa loob ng isang taon! Kaya ang interest ng credit cards ay pumapatak na tumataginting na 72% per annum! Yung iba dyan mas malaki pa.

Hindi ako magaling sa arithmetic pero tignan natin. Kunwari ay bumili ka ng bagong mp3 player worth P11,000. Pagdating ng bill, ay minimum lang binayad mo na P1,000. So yung P10,000 mo tutubo ng 3% interest sa susunod na buwan at magiging P10,300 at dahil sa nakalimutan mo mag bayad kaya pinatungan ka pa ng another 3% penalty charge.

Kaya pagdating ng bill mo magiging P10,600 na ang babayaran mo. Isang buwan pa lang yan ngunit may dagdag na P600 agad ang singil sayo. Hindi maliit na pera, halos 2 araw na sweldo na rin yun. Isipin mo na marami ka na ring mabibili sa P600 na mapupunta lang sa interest.

At sa susunod na buwan ang basehan ng computation ng bill mo ay hindi na P10,000 na siya talagang utang mo kundi P10,600 na. Tama ka, daig pa ang kuneho kung manganak ang compounded interest.

E pano kung may iba ka pang kinaskas sa plastik mo at puro minimum due lang ang binabayaran mo? Hindi pa kasama diyan ang annual fee na P1,500 (na sisingilin ka kung nagamit mo man o hindi ang plastik). Hindi ka nag-iisa, marami ang revolver at ito ang gusto ng mga bangko.

Hindi ba kayo nagtataka kung bakit pinagdudukdukan pa sa atin ng mga credit card companies ang mga plastik nila? Hahabulin ka sa mall, kukulitin ka sa telepono, at minsan, ni hindi ka nga nag-apply ay may biglang dadating sayong plastik, ready to use. Dahil yan sa mga revolver. Ngayon, mapapaisip ka kung ano pa ang pinagkaiba ni Shibaker na nagpapa 5-6 sa mga credit card companies.

WALANG KONSENSYA

Buti na lang ay nakahanap tayo ng kakampi sa huling desisyon ng Korte Suprema sa kaso ni Macalinao vs. BPI (G.R. No. 175490, September 17, 2009).

Si Ileana ay may BPI Mastercard na may utang na P141,518.34. Hindi siya naka-bayad at syempre dinimanda siya ng BPI at sa reklamo nila (complaint) ay sinisingil nila si Ileana ng interest na…humawak kayo sa upuan ninyo at huminga ng malalim…9.25% per month or 111% per annum.

Ang kontrata ng BPI na may 3% interest per month plus 3% penalty charge ay dineklara ng Korte Suprema na hindi makatarungan at walang konsyensya (iniquitous and unconscionable) at binabaan ito sa 2% interest per month plus 2% penalty charge o sa kabuuang 24% per annum. Hindi hamak na malaking diperensiya sa orihinal na sininingil ng BPI na 111% per annum.

Kaya yan, sana’y mapagnilay-nilayan ninyo ang paggamit ng plastik. Dahan-dahan lang. Bago ikaskas isipin kung meron na kayong perang nilaan para ipambayad pag dating ng bill at kung mamaari, bayaran ng buo. At kung hindi naman talaga kailangan at luho lang, huwag mo na gasgasan ang plastik mo.

Eto ay isang mukha lamang ng paggamit ng plastik. May magandang mukha at benepisyo rin naman ang plastik at ito’y tutukuyin ko sa mga susunod na mga post, tulad ng:

Ano pala ang gagawin mo kapag napasa-kamay sa iba ang plastik mo?

Teaser ba? Abangan…

————-

No man’s credit is ever as good as his money.”

– Edgar Watson Howe

7 responses to “PLASTIK REVOLVER

  1. Kaya nga lagi akong pinapaalalahanan ng aking butihing asawa na isipin mabuti ang mga dapat bilhin at gamiting lamang ang credit card kung nararapat lamang.

  2. Unang pangungusap pa lang e, pumasok agad sa isip ko ang pelikulang The Graduate, Mike Nichols yata ang director, bida si Dustin Hoffman.

    Bagong gradweyt ang karakter ni Hoffman. Sa simula ng pelikula e, party ang welcome ng mayaman niyang parents. Bagabag na bagabag ang karakter ni Hoffman. ‘Yon bang mataas ang expectaion ng parents. Pero hindi niya alam ang dirkesyon ng buhay niya.

    “Plastic!” Ang pasukin niyang negosyo, mungkahi ng mayaman ding kaibigan ng parents niya.

    Naisip ko lang na ‘yan na–itong paksa mo, mismo–ang bunga ng henerasyon ng The Graduate ni Hoffman. Baka sila ang nag-imbento ng revolver na ‘yan.

    Pero ang galing Tito Boy, idol ka! Ganda ng pagkakaeksplika ng legal aspect nitong 1st world phenomenon sa setting ng Pinas. Parang literary ang dating sa ‘kin.

    Ang moral op de leson ay kita na rin ang kulturang plastik kahit di mo diniretsu.

    Galeng!

  3. Nga pala, 60s pa ang pelikula, unang pingabidahan ni Hoffman.

    Na-research ko lang ang DVD niyan sa isang… sa isang… teka ibubulong ko lang… sa isang pirate store.

    Nakakasuhan din ba ang mga bumibili ng pirated products?

  4. Abetumil, salamat sa pagdalaw mo at hahanapin ko yang film na binanggit mo, idol ng nanay ko yang si hoffman. Pinangalan pa nga siya sa nakakatanda kong kapatid.

    Tungkol naman sa pirated. Sa tingin ko, kapag ginagamit mo lang pang-personal yan ay mukhang may lusot ka. Wag mo lang i-benta at pagkakitaan. Pero magsasaliksil pa ako at mukhang magandang topic yan!

  5. hmmmmm. wala pa akong credit card eh. kasi wala pa akong trabaho. hindi ko pa afford.
    very useful tong post na to. medyo my idea na ako kung anong mga nagagawa ng vredit card sa buhay. haha.

  6. karoger: ilang taon na lang ay malalamon ka na rin ng sistema ng credit card bwahahaha

  7. Aba ngayon ko lang ito nabasa, nag-back read ak ong mga na-miss kong post nitong nakaraang bakasyon ko. Marami na palang nakuha sa akin ang mga bangko, gawi kasi ng misis ko na lagi yung minimum lang bayaran, salmat Rob ipapasa ko ito sa misis ko para maliwanagan ang hirap magpaliwanag e.