LICENSE TO KILL: I DID IT MY WAY

ARAW NG PASKO. Araw para isarado ang daan at pabahain ng alak ang kalye. Buong kapitbahay sa barangay ang inimbitahan mo. Kahit sino pwede, Pasko naman e. Pwera lang sa kapitbahay mong mayabang na pulis na si Bruno. Abusado sa kapangyarihan kaya marami siyang nakaaway sa lugar ninyo at ang karamihan ay ilag sa hambog na pulis. Pati nga alaga niyang aso pumunta sa iyo para magpa-ampon.

Ilang case ng beer ang nakapila na pinareserba mo pa kay Aling Iseng dahil alam mong magkakaubusan sa dami ng sunog baga sa inyo. “Red Horse lahat walang San Mig Light, pambading lang yun”sabi mo sa mga kapitbahay mo. Ngunit ang totoo niyan ay gusto mo bagsak agad ang lahat at makatipid, kaya samahan mo pa ng Tanduay para siguradong tulog sila sa pasalubong na tagay. “Kung pwede lang cyanide para tapos”, pabiro mo pa.

Ang saya ang inuman. Ang sarap ng usapan. Paulit-ulit ang kanta ng Black Eyed Peas sa utak mo. “I got a feeling, that tonight is gonna be a good night, that tonight is gonna be a good good night…

Kalagitnaan na ng gabi sabay naalala mo na kabibili mo nga  pala ng videoke sa Raon. Napatingin ka sa bahay ni Bruno at mukhang walang tao, “siguro naka-duty sa Pasko ang gago”. Kaya nilabas mo ito at mas nabuhayan pa ang grupo ng nakita at sigaw ng “KAMPAY!” sabay agaw ng makulit mong pinsan sa mikropono at pindot  ng numero ng paboritong kanta.

Ito ang aking masterpiece”, payabang na sabi ng pinsan mo at lumabas sa screen ang kantang “MY WAY”. Unang stanza ng kanta ay ok naman, hindi na nga tumitingin sa TV ang pinsan mo. Halatang kabisading-kabisado at memoryado ang bawat lyrics.

Dahil puro malakas ang binili mong alak – na sadya para matapos nang maaga ang inuman- ay maaga ring naulol ang mga bisita mo pati na si Insan. Kaya pagdating sa chorus ay daig pa si Regine Velasquez kung bumirit. Makabasag ear drums. Parang pinupunit na yero. Kaya laking pasalamat mo na patapos na ang kanta, eto na… “AND I DID IT…MMMMMYYYYY WAAAAAAAAYYYY!

BANG! BANG! BANG!

Nabingi ka sa lakas ng putok at napamura, “Sino yung nagpaputok?! Tang-ina sa isang linggo pa ang bagong taon!” Natahimik ang lahat at nakita mo na lang na nakahandusay ang pinsay mo sa lupa at naliligo sa sarili niyang dugo. Lumingon ka at nakita mong may hawak na baril si Bruno na gusot-gusot ang buhok. Magbiro ka na sa lasing, huwag lang sa bagong gising.

Tinuro mo si Bruno at sabay sigaw ng “Ayun!, Yung tarantadong pulis yung bumaril kay Insan. Hulihin nyo!

Pumasok ka sa loob ng bahay at nilabas ang Jungle Bolo habang ang mga kasama mo ay pumulot ng dos por dos at malalaking bato patungo sa mayabang na pulis. Dahil sa ispiritu ng alak ay lumakas ang loob ninyo at nagulantang si Bruno kaya hindi na nakalabit ang gatilyo ng baril. Taga, hampas, bayo. Taga, hampas, bayo.

Parang eksena sa Matrix. Si Neo pinagtutulungan ng libo-libung Mr. Smith.  Pero buti pa sa Neo nadepensahan ang sarili, etong si Bruno —- gulay. Daig pa punching bag. Lahat ng nandoon ay nilabas na ang galit na kinikimkim sa hambog na pulis. “Pagkakataon ko na ‘to”, bulong sa sarili. Kaya kahit bulagta na sa lupa ay tuloy-tuloy parin ang taga at bayo. Mahirap na, baka gumising pa at kumuha ng armalite.

Matapos ang ilang minuto ay sumigaw ka ng “Tama na! Tama na!” at huminto ang lahat. Matapos pagbigyan ang bugso ng damdamin ay biglang natauhan ang lahat ng nakita ang walang malay na katawan ng pulis at hindi na makilala sa inabot na taga at bugbog. “Siya pa ba yan?” sabi ng isa. Hindi na umubra ang tama ng Tanduay at Red Horse. Daig ninyo ang binuhusan ng malamig na tubig na may yelo nang tumambad sa inyong harapan ang ginawang krimen. Dumating ang mga Tanod at mga pulis at dinampot kayong lahat, at tahimik naman kayong sumuko.

Nang nilitis na ang kaso ang depensa ng abugado mo sa korte ay “defense of a relative”. Habang ang mga kapitbahay mo naman “defense of a stranger” ang sigaw.

May pag-asa ba kami Attorney?”ang tanong mo nang nagkausap kayo habang binibisita ka para kunan ng Affidavit.

Mahirap kaso nyo.” Ang tapat sayo ng abugado sabay bunot ng cellphone para magtext.

E pinagtanggol ko naman ang pinsan ko. Ganon din ginawa ng mga kapitbahay ko.” Katwiran mo.

Ang batas ay hindi tayo binabawalan ipagtanggol ang sarili, ang ating kamag-anak at pati na rin ibang tao. Pero dapat masunod lahat ng elemento na binigay ng batas para masabing justified.” Habang tuloy sa pag-text si Attorney.

Oo, nabasa ko yan sa Blog ni Tito Boy. (1) Unlawful aggression; (2) Reasonable necessity of the means employed to prevent or repel it; at saka (3) Lack of sufficient provocation on the part of the person defending himself.”Payabang mo pang ibinida.

Napahinto sa pag-text si Attorney at napakunot ang noo. Wari’y hindi makapaniwala na may alam ka rin kahit papaano. “Self-defense yun, may kaunting pinagkaiba yan sa defense of a relative at defense of a stranger.” Sabay pakawala ng sangkatutak na Ingles:

Anyone who acts in defense of a relative, must comply with the  first and second requisites, in case the provocation was given by the person attacked, that the one making defense had no part therein.

Hindi pa nakontento at bumanat ulit. “While anyone who acts in defense of the person or rights of a stranger, must also comply with the first and second requisites and that the person defending be not induced by revenge, resentment, or other evil motive.”

“E hindi naman ako nag-provoke sa hayup na pulis na yun. Si Insan siguro dahil sa “My Way”, kahit nga ako nainis sa kantang yun e.” Katwiran mo.

Siguro yung mga kapitbahay ko ‘induced by revenge, resentment, or other evil motive’, kasi talaga namang maangas yung pulis na yun kaya badtrip kami sa kanya.”

“Sige sabihin na natin na walang ‘sufficient provocation’ sa parte mo pero hindi mo parin na-‘satisfy’ ang second requisite. Tignan mo, maaring may ‘unlawful aggression’ dahil binaril niya ang pinsan mo. Pero hindi ‘reasonable’ ang means employed” Paliwanag ni Attorney.

“Hindi ‘reasonable’? E may baril yung tao tapos kami itak, kahoy at bato lang” Napataas ang boses mo.

Noong simula reasonable, pero nung tumagal, massacre na ginawa ninyo. Inamin mo sa akin na bulagta na yung pulis pero tuloy parin kayo sa paghataw. Na-repel na yun unlawful aggression noong mga unang banat ninyo at dapat hindi niyo na tinuloy-tuloy. Sa tingin mo matapos mo siyang tagain sa dibdib ay makakakuha pa siya ng mahabang baril sa loob ng bahay niya para gumanti. Sa puntong bumagsak na siya sa lupa, wala nang unlawful aggression. Hindi defense ang ginawa mo kundi revenge”

“Maari ko lang mapangako sa iyo ay baka bumaba sentensiya mo dahil sa mitigating circumstance under Article 13 paragraph 5 ng Revised Penal Code.”

Malamang hindi mo pa alam ang bagay na ito kasi hindi pa nababanggit ni Tito Boy sa Blog niya. Marahil sa susunod na post. Ngunit habang nakikinig ka sa paliwanag ng abugado mo ay parang sinasakluban ka ng langit at lupa. Naisip mo ang pamilya mo at mga pangarap mo sa buhay.”

Maaring alam ko na ang batas pero hindi ko sina-puso”, banggit mo sa sarili.

Dahil sa “My Way” nasira ang lahat…

—————

“Revenge is an act of passion; vengeance of justice. Injuries are revenged; crimes are avenged.” – Samuel Johnson

4 responses to “LICENSE TO KILL: I DID IT MY WAY

  1. i did it MYYY WAAAAAYY.!! hehehe., Merry Christmas po.!

  2. Merry Christmas Babs!

  3. bat kaya ang daming namamatay sa kanta na yan??sinumpa b yan atty???