ANG DARLING KONG ASWANG

NAPANSIN MO BA NA TUWING PASKO, BAGONG TAON, o kapag may okasyon ay wala lagi ang tatay ng kapitbahay mo? Hindi ka rin ba nagtataka kung bakit minsan sa isang buwan mo lang nakikita ang tatay ng kapitbahay mo, samantalang hindi naman siya OFW? Malamang totoo nga ang mga tsismis.

Napag-usapan na rin lang naman ang paksang hiwalayan ng mag-asawa, e bakit hindi na natin ituloy-tuloy sa usapang aswangan, este, usapang kaliwaan at mga pananagutan ng taong pumapasok dito.

Sa kabuuan, ang termenolohiyang “adultery” ang laging ginagamit kapag napag-uusapan ang pakikiapid (infidelity) o relasyon labas sa mag-asawa (extramarital affairs). Ang adultery ay mahigpit na pinaparusahan noong unang panahon ayon sa Bibliya. Death by stone casting, ouch! Pinapatupad pa rin ito sa Gitnang Silangan tulad ng Iran at Saudi Arabia.

Ngunit sa mga liberal na mga bansa sa Europa tulad ng sa amin (in my dreams) sa Netherlands, Finland at Sweden, hindi na krimen ang adultery. Malamang sasampalin ka pa rin ng asawa mo kapag nakita kang nakikiapid pero hindi ka na pwedeng makulong dahil dito. ‘Yan na rin ang uso o trend sa karamihang estado sa US. Naniniwala kasi sila sa karapatan ng bawat taong nasa hustong edad na malayang makipag-talik sa kapwa taong nasa hustong edad rin (sex between two consenting adults) na pinagtibay ng pinagpyestahang kaso na Lawrence vs. Texas sa US [539 U.S. 558 (2003)]. (This is actually an interesting case, Google it up and you’ll find out!)

E pa’no naman kaya sa Pilipinas? Krimen pa rin ba ang adultery sa atin?

Oo, habang kasalukuyang sinusulat  ko ang paksang ito, krimen pa rin ang adultery sa atin. Pero ang adultery sa atin ay ginagamit lang laban sa asawang babae. Tama ang nabasa ninyo at hindi typographical error yan. Ayon sa Article 333 ng ating Revised Penal Code (RPC) : ang krimeng adultery ay ang pakikipagtalik ng sino mang babae sa lalaking bukod sa kanyang asawa. Kasama ring paparusahan ang lalaking nakikipagtalik sa babaeng alam niyang may asawa na, kahit mapawalang bisa ang kasal ng babae kinalaunan.

Hindi lang yun, kahit inabandona na ng lalake ang asawa niya nang walang dahilan, mapaparusahan pa rin ang asawang babae pero syempre mababawasan (mitigated) ang sentensya. Iniwan na nga ang babae nang walang dahilan, kinasuhan pa kapag may nagmahal na iba. Wawa.

E pano naman kung ang asawang lalake ang makikiapid? May parusa din ba sa batas?

Meron din syempre at ang tawag dun ay hindi adultery kundi concubinage at malaki ang pinagka-iba ng dalawa. Ang concubinage ayon sa Article 334 ng RPC ay maisasagawa lamang kung:

1) ang lalaki ay magbabahay ng kanyang kabit sa kanyang tirahan;

2) makikipagtalik sa babaeng bukod sa kanyang asawa sa iskandalosong paraan (scandalous circumstance);

3) ibabahay ang kanyang kabit sa ibang tirahan.

Kung titignan mo, sa kasong adultery, kapag nakipagtalik ang babae sa lalaking bukod sa kanyang asawa ay agad-agad maari na siyang kasuhan ng adultery. Kahit isang beses lang (at kahit sabihin mong practice lang).

Samantalang sa kasong concubinage, ang lalaki ay dapat ibahay muna ang kanyang kabit bago masabing lumalabag siya sa batas. Kung makikipagtalik man siya sa babaeng bukod sa kanyang asawa, dapat ito ay “under scandalous circumstance”. Ang tanong, sino naman ang gagong lalake ang makikipagtalik sa ganong sitwasyon? Pwera na lang kung libog na libog na sila at ginawa na nila sa Luneta o sa Sunken Garden ng UP. (Uy…aminin)

Kaya in theory, kapag ang lalaki ay nakipagtalik sa babaeng bukod sa kanyang asawa sa tagong lugar tulad ng hotel at hindi naman niya binabahay ang babae, ay lusot siya sa kasong concubinage!

Hindi lang yun, kung susuriin ang parusa ng kasong adultery (prision correccional in its medium and maximum periods) ay mas mabigat ng kaunti kumpara sa parusa ng kasong concubinage (prision correccional in its minimum and medium periods). At ang parusa ng concubine o kabit ay destierro lamang!

Destierro ay walang kulong kundi pagbabawalan lang siyang pumunta o magpakita sa asawang babae at kanyang pamilya sa loob ng 25 kilometrong bilog o radius.

Hindi na rin kataka-taka kung bakit ganito ang hindi patas na pagtingin ng batas pagdating sa ganitong paksa. Una, ang RPC ay napakalumang batas, na ginawa pa noong taong kopong-kopong (December 8, 1930) na kung saan ang tingin sa lalakeng maraming chicks ay macho, samantalang ang babae may kasamang iba bukod sa kanyang asawa ay malandi o pokpok. Actually, ngayon ay halos ganon pa rin pero hindi kasintindi noong panahon ni Lola Basyang. At pangalawa, lahat kundi karamihan sa nagpasa ng RPC ay puro lalake at malamang chickboy din sila Lolo noon.

WALANG KWENTA KAY CONGRESSMAN AT GOV

E kung may krimen palang concubinage, bakit marami sa ating pulitikong may mga kabit ay hindi nakakasuhan o napaparusahan? (Yung iba nga diyan binugbog pa kabit nila noong nahuli hehe)

Kasi po ang adultery at concubinage ay pribadong krimen (private offense). Ibig sabihin, ang pwede lang magsampa ng kaso sa kanila ay yung asawa nila. Hindi pwede anak, magulang, pamankin o kalabang pulitiko.  Ang tanong, e bakit naman kakasuhan nila ang kanilang mga asawa? Syempre, they don’t want to kill the goose that lays the golden egg. At bukod pa diyan ay takot sila sa kapangyarihan at impluwensiya ni Gov at Congressman. Sino rin ba ang hindi matatakot sa mga bodyguards nilang balbasarado at laging nakamaong na jaket, aber? Kaya tinitiis na lang nila basta may sustento.

At nakalagay din sa ating Rules of Court na “adultery and concubinage shall not be prosecuted…in any case, if the offended party has consented to the offense or pardoned the offenders”. Patawad lang ang katapat ok na!

BAGONG PAG-ASA

Pero huwag mangamba ang mga kababaihan. May bagong batas ngayon na titingin sa inyong mga kapakanan. Itong batas na ito ay sobrang pabor sa inyo that “it makes men in this country virtually second class citizens”. At sa hindi inaasahan, ang nag-author pa ng batas na ito ay isang lalake. Ibinoto ko nga siya noong 2004 Presidential Election. Kaso sa sobrang galing niya ay kinuha na siya ni Lord. Sumalangit nawa.

‘Yan ay sa susunod na kabanata! Abangan…

——————–

“Adultery is the application of democracy to love” –  Henry Louis Mencken

5 responses to “ANG DARLING KONG ASWANG

  1. aaay… kaya ba ayaw ko mag asawa eh… tsk tsk!

    pero tito boy.. salamat uli sa knowledge… lumawak pag unawa ko sa batas na ito..

    pero unfair nga no??? haizzzz

  2. Ms. Lambing tama ka dyan. Yan ang target ng mga feminist group sa kongreso na abanse pinay . Obviously, so far, they’re not successful hehe.

    Pero there is hope for your kind in RA 9262 (Violence Against Women and Children) and I will discuss it here soon🙂

  3. ‘ginawa na nila sa Luneta o sa Sunken Garden ng UP. (Uy…aminin)’- mahirap ng gawin to sa sunken. madami ng bantay at may curfew pa. hahaha.

    thinking of adultery hurts me. kahit hindi pa nangyayari sa akin. parang ang sakit lang pag ikaw yung niloko tapos ikaw eh naging tapat. ang sakit😦

    i consider myself liberal ng konti. pero some liberal thoughts still shock me. natutulala ako. haha. siguro in the Philippines, it will take a long long long time para maging liberal tayo. kung divorce nga halos imposible eh. pakikiapid pa kaya.

    anyways, medyo kelangan na nga na maging gender equal at sensitive ng mga batas natin. kasi makikita talaga na unfair yung marami dito. pero knowing some of our congressmen and senators, mukhang malabo pa na mangyari yun.

  4. Nakakaaliw naman ganitong ganito inexplain ng prof ko sa LAw dati ang difference ng adultery at kurt cobain! astig the best!

    Bigla ko naisip mag-law ulit!