ISANG BALA KA LANG!

ISANG ARAW NA LANG NEW YEAR NA at ngayon pa lang ay andami nang putukan. Ok lang sa akin ang mahilig magpaputok dahil ako rin mismo ay gumagastos sa paputok tuwing sasapit ang bagong taon. Ang hindi ko lang gusto, ay ang mga taong malakas ang putok at mga taong nagpapaputok ng baril tuwing Bagong Taon.

Sa mga taong malakas ang putok, naku walang kasong pwede isampa diyan. Kausapin niyo na lang at ipakilala si Pareng Rex(ona). Para naman sa mga taong nagpapaputok ng baril tuwing bagong taon, yan may magagawa tayo diyan.

Kaya aarmasan ko kayo ngayon ng karunungan at impormasyon kung ano ang maaring pananagutan ng mga taong magpapaputok ng baril sa New Year at kahit walang okasyon. Kung may nakita tayong nagpapaputok ng baril ay siguradong may kaso silang kakaharapin at huwag tayong mag-atubiling isuplong sila sa Pulis at mga Tanod na rumoronda sa Barangay.

ILLEGAL POSSESION OF FIREARMS

Ang orihinal na batas tungkol dito ay pinagtibay ni Marcos noong palawigin niya ang Presidential Decree No. 1866. Mahigpit ang parusa noong unang nilabas ito: Reclusion Perpetua. Sinadya yan para daw sa mga kumunista at kalaban ng estado.

Kaso noong naging senador si Ramon Revilla Sr., ay pina-bago niya ang batas at binabaan ang parusa na naging  Republic Act No. 8294. Sinadya ‘yan para sa kapakanan hindi ng estado ngunit ng isang tao, ang nag-iisang “Bad Boy” Robin Padilla na noon ay nasentensiyahan ng malupit na parusa ng PD 1866. ‘Yan may panibagong trivia kananaman pampa-impress sa crush mo.

Kapag ang batas kasi binago at pabor sa akusado, ay dapat makinabang siya. Kaya ‘yun, ang agang nakalabas ni Bad Boy sa bilibid, kasama na rin ang ibang akusadong na nasa kaparehong kalagayan .

Ang galing diba? Kung hindi dahil kay Bad Boy ay mabubulok sa kulungan ang ibang taong nahuling may dalang armas dahil sa ideyalismo (at hindi dahil gusto lang nila maging astig).

Ang RA 8294 at hindi lang limitado sa pagdadala ng baril. Kasama sa pinaparusahan ang pagdadala ng paltik, o teka-teka (pag binaril mo kasi e mag “teteka” ka muna sa kalaban), bala, mga pasabog tulad ng granada, pillbox, molotov cocktail bombs. Sa mga miyembro ng Sputnik, Oxo at Sigue-Sugue, take note: Kasama rin sa uri ng baril ang air rifles at air pistols na hindi tinuturing na laruan ng Executive Order No. 712.

Pwede rin makasuhan ang isang tao nang Illegal Possession of Firearms kahit lisensyado ang baril niya kapag nilabas niya ito sa kanyang residence na walang Permit to Carry (PTC). Oo, hindi porket may lisensya baril mo ay pwede mo na siyang dalhin sa labas ng bahay mo na nakabuka ang kili-kili na parang makikipag-dwelo kay Clint Eastwood.

ILLEGAL DISCHARGE OF FIREARMS

Kapag nagpaputok ng baril (may lisensya o wala) sa ibang tao at wala siyang intensiyong pumatay, Illegal Discharge of Firearms (Article 254 Revised Penal Code) ang asunto niya. Malalaman ang intensiyon ng isang tao sa pamamagitan ng kanyang kilos. Kung binaril niya ang isang tao na sadyang hindi pinatamaan para manakot lang, Illegal Disharge lang yun.

Ngunit kung talagang pinatamaan niya at sinundan pa ng putok ngunit may pagka-Palos ang biktima at nakatakas. May intensiyon na siyang pumatay at attempted murder or homicide na kakaharapin niya.

ALARMS AND SCANDALS

Kung ang kapitbahay mo naman ay basta na lang magpapaputok ng baril sa inyong subdivision para lang magpasikat at hindi nakatutok sa ibang tao, Alarms and Scandals (Art. 155 RPC) naman kakaharapin niya. Pero mababa ang parusa nito.

LOOPHOLE

Makinig kayong mabuti: may “loophole” ang RA 8294.  Kapag ginamit ang hindi lisensyadong baril sa isang krimen na pagpatay (murder or homicide) ay magiging matindi ang parusa (aggravated). Ngunit kung ginamit ito sa kasong rebellion, insurrection, sedition or attempted coup d’ etat, hindi na rin siya kakasuhan ng Illegal Possession of Firearms dahil sangkap ito sa mga kasong nabanggit. (Bakit, may nakita na ba kayong rebelde na tirador lang ang gamit?)

E pa’no kung ginamit ang baril sa ibang krimen (bukod sa nabanggit ko sa itaas) tulad ng rape o robbery? E di hindi na sila kakasuhan ng Illegal Possession of Firearms kundi rape o robbery na lang.  Dahil ‘yan sa isang pangungunap ng nasabing batas na “Provided, that no other crime was committed.”

(Kaya bawat pangungusap sa anumang dokumento o batas ay malaki ang kahulugan dahil diyan humahanap ng loophole ang mga abugado).

Ano implikasyon nito? Kung ang kapitbahay mo na nagpaputok ng baril para magpasikat ay nahuli, lusot siya sa kasong Illegal Possession of Firearms dahil may ibang krimen siyang ginawang (Alarms and Scandal). Kaya imbes na ang parusa niya ay Prision Correccional (6mos-6years kulong) ay magiging Arresto Menor na lang (1-30 days kulong)!

So ano ang ibig sabihin nito? Kung may dalang baril ang isang tao na hindi lisensyado at huhulihin na siya ng awtoridad, ay magpapaputok na lang siya sa ere para makaiwas sa Illegal Possession of Firearms at bababa sa Alarms and Scandal lang ang kaso! ‘Yan ang loophole! ‘Yan ang nangyayari kung pinapakialaman at binabago ang batas nang hindi pinag-aaralan ng mabuti!

Kaya ‘yan, kapag may dalang baril ang isang tao sa publiko at hindi siya alagad ng batas (kahit alagad ng batas ngunit hindi naka-duty) dapat lisensyado ang baril niya at may PTC siya. Kung wala, pasok siya sa Illegal Possession of Firearms. Kung nagpaputok naman siya ng baril maaring attempted murder/homice, illegal discharge or alarms and scandal lang kaso niya, depende sa kanyang intensiyon na pinapakita ng kanyang kilos.

Kung hindi ninyo masyadong naintindihan at dahil nagulantang ang utak ninyo sa malalakas na putukan ay mag-iwan na lang kayo ng tanong at sasagutin ko pagbalik ko. Bibili lang ako ng paputok.

HAPPY NEW YEAR!

————————

Kung kayo lang ang magiging kaibigan ko, bibili na lang ako ng aso.” – FPJ

7 responses to “ISANG BALA KA LANG!

  1. Tito Boy,

    Ano’ng nabili mo? Palagay ko watusi.

    Syempre di ka mamumuno sa pagpapaputok.

    Hindi pa ‘ko nagmimedia noche, inuna ko ‘tong panghimagas mo.

    Hapi nyu yir!

  2. 3 picolo, supot pa ang dalawa haha..

    Cheers!

    Happy New Year Pare!

  3. Happy new year dn po Tito Boy.!

  4. hala, ganun pala yun, hindi na pala pwedeng kasuhan pa ng illegal possesion of firearms pag may ibang kasong nagawa, minsan napapanood ko sa balita sinasabi nung pulis “maliban sa ganito sa ganyan etc blah blah, kakasuhan din namin sya ng illegal possesion of firearms..” so hindi pala dapat ganun?

    ic! salamats po! hehe armado ako ngayon ng kaalaman!

  5. hmmm. astig. may nalaman na naman ako. dapat talaga sinusuri ang mga batas eh.

    kaya ako, i propose na kelangan qualified talaga ang isang tao bago umupo sa senado at kongreso. qualified as in abogado or atleast nakatapos ng pag-aaral. pero madaming magrereklamo niyan. haha. pwede siguro kung sa executive branch eh kahit sino, pero pag sa legislative, dapat yun mga magagaling talaga!🙂

    mahirap bang kumuha ng lisensya sa baril?

    • Madali lang ka roger. Parang lisensya sa pagmamaneho ng sasakyan, pera-pera lang hehe. may kasama pa ptc yun. pagbumili ka baril sa authorized dealer sila na rin aasikaso, ID lang kailangan.