RAIDERS OF THE LOST CARD

TAPOS NA ANG BAKASYON. Balik na sa mga dating buhay. Ang pinagkaiba lang sa dating buhay mo, ay mas marami kang utang ngayon. Halos mabura na kasi ang pangalan mo sa credit card kaka-kaskas noong Pasko at bago mag-Bagong Taon.

Gusto ko lang ibahagi sa inyo ngayon ang ilan-ilang mga interesting cases ng mga credit card holders na umabot hanggang Korte Suprema. Sa mga kasong ito, ay nagwagi ang hustisya laban sa mga dambuhalang credit card companies na may maraming pera pambili ng pinaka-mahal na abugado sa Makati (but not necessarily the brightest). Hindi malayong mangyari sa inyo ang mga ito, at kung magka-ganon, ay alam mo na may laban ka. Kaya ito ating tunghayan:

NAWALANG CREDIT CARD

Nawalan ka na ba ng credit card? Ang masama noon ay noong nakuha mo ang bill ay may nakita kang mga charges na hindi mo naman binili o in-avail. At ngayon ay sinisingil ka at ayaw pakinggan ng bangko ang paliwanag mo.

Ganyan mismo ang nagyari kay  Manuel Acol (tawagin natin siyang Manny, pero hindi kami close) at sa credit card na inissue ng Bankard (G.R. No. 135149, July 25, 2006).

Noong  April 18, 1987, (oo may credit card na noong panahong yun) ay napansin ni Manny na nawawala ang credit card niya. Kinabukasan, April 19, ay tumawag siya sa bangko para ipaalam ito at inilagay ng bangko ang kanyang credit card sa sirkulasyon ng mga nawawalang plastik.

Sa sumunod na araw, April 20, ay tumawag ulit si Manny sa bangko para manigurado at ipinaalam ulit ang kanyang nawalang credit card. Sinabihan din si Manny ng taga-bangko na gumawa ng liham para ipaalam ang nangyari. Sinunod ni Manny ang payo ng bangko at noong April 22 ay inabot niya ang liham.

Ok na sana ang lahat hanggang sa dumating ang kanyang credit card bill na umabot ng  P76,067.28. Kung malaking halaga na yan para sa iyo, lalo pa siguro noong 1987, kaya isipin mo na lang ang panlalaki ng kanyang mga mata noong nakita ang bill. At nalaman ni Manny na ginamit ang kanyang credit card noong April 19 at 20 ng walang-hiyang taong nakapulot nito.

Sinabi ni Manny na hindi niya babayaran ang mga charges matapos ng April 19. Syempre, as expected, ay hindi siya pinakinggan ng bangko. Kaya nang hindi binayaran ni Manny ang malaking bill ay dinemanda siya ng bangko at sinisingil pa kasama ang interes.

Ginamit ng bangko laban kay Manny ang kontratang kanyang pinirmahan. Nakalagay kasi sa kontrata na hindi nila sisingilin ang charges ng nawalang credit card kung : (1) Matanggap muna nila ang liham ni Manny tungkol sa pagkawala; at (2) Mapaalam muna ng bangko sa mga tindahan na nawawala nga ang credit card ni Manny. Kaya dapat mangyari muna ito bago nila masabing nawawala ang credit card.

Sa ating Kodigo Sibil (Civil Code) kasi, ang kontrata ay batas para sa mga partido (law between the parties). Kaya kung ano man ang kanilang mapagkasunduan ay irerespeto ng batas at dapat sundin, pwera na lang kung ang kasunduan mismo ay labag sa batas, public moral and public policy.

Sa kasong ito, kahit malinaw ang kontrata ay hindi naman pinaburan ng Korte Suprema ang nakasaad dito dahil ito’y labag sa public policy, kung saan dapat muna matanggap ng bangko ang liham ni Manny at ipaalam ng bangko sa mga tindahan na nawala nga ang credit card bilang rikisitos (requisites) para hindi siya singilin sa mga charges na hindi niya ginawa.

Tama nga naman, noong tumawag si Manny sa bangko noong April 19 ay pinaalam na niya ang pagkawala ng credit card. At hindi na makatarungan kung sisingilin pa rin siya ng bangko sa mga charges na ginawa noong April 20.

Ang pagtawag ni Manny sa bangko ay sapat nang habilin (notice) ayon sa Korte Suprema. Isipin mo nga naman, mabilis ang mga pangyayari at habang gumagawa ka pa lang ng sulat ay bumibili na ng plasma tv ang taong nakapulot ng credit card mo.

Kaya pinaboran ng Korte Suprema si Manny at hindi na pinagbayad sa bangko dahil hindi naman siya ang gumamit ng kanyang credit card.

Kaya ang payo ko sa inyo, kapag nawala ang inyong mga credit card ay itawag kaagad-agad sa bangko para i-ulat (report) at kunin ang pangalan ng naka-usap na customer service representative at reference number ng inyong ulat at isulat sa isang papel kasama ng petsa at oras ng pagtawag.

Papano pala kung hindi mo naiulat ang pagkawala dahil hindi mo napansing nawala ang credit card mo hanggang sumambulat na lang sayo ang bill?

May kaibigan akong ganito ang nangyari sa kanya. Ang lokong nakapulot ng credit card niya ay bumuli ng sapatos na nagkakahalagang P4,000+. Hindi pa nakontento ang loko at ilang beses pang nanlibre sa club at nagtake-out pa ng Pizza!

Ang payo ko sa kanya ay huwag bayaran kung talagang hindi siya ang gumamit ng credit card. Kasi kung kakasuhan siya ay dapat ipakita ng bangko ang resibo (receipt) ng transaksiyon na dapat may pirma niya. Kaya kung hindi siya ang gumamit ay magkaka-alaman dahil iba ang pirma doon kumpara sa tunay niyang pirma. At kung peke (forged) ang pirma niya ay hindi siya dapat magbayad! Ganon lang kasimple ‘yun.

Kaso habang hindi niya binabayaran ay lalaki ang interes at baka maka-apekto sa credit standing niya. Kaya nasa sa kanya na ang pasya.

O, tignan mo na pitaka mo, baka nawawala na credit card mo!

Ang susunod na post ay tungkol sa taong muntikan nang maghugas ng pinggan nang i-dishonor ng bangko ang credit card niya ng walang dahilan.  Hanggang sa muli!

—————————-

“A clear conscience is a sure card.” – John Lyly

2 responses to “RAIDERS OF THE LOST CARD

  1. salamat sa paalala tito boy….

    Happy New Year …. to you…..

  2. Happy New Year xtremus 24!