THE RECRUIT

PROMISES ARE MEANT TO BE BROKEN. ‘Yan ang motto ng mga illegal recruiters.

Ipapangako nila ang langit at lupa pero ibibigay ay impyerno. Sabay takbo ng perang pinaghirapan at galing sa sariling pawis at dugo.

Isinakripisyo na ang bakang si “Puti” at pati si “Bantay” napilitang ibenta sa kapitbahay mong lassengo, para lang maipon ang perang hinihingi ng kawatan. Tapos, tourist lang pala ang bagsak. Mabuti nga nakaalis pa, yung iba, ni hindi nakatuntong ng eroplano.

Paulit-ulit na nating naririnig ang ganitong kwento. Meron bang pangil ang batas pagdating dito? Kung tutuusin, hindi lang pangil, may kasama pang itak. Tama, matindi ang parusa sa kasong illegal recruitment at madali lang ito patunayan sa korte kapag ipinursigi lang ang kaso.

ELEMENTS

Sa isang criminal case, para makuha mo ang conviction ng akusado ay dapat mapatunayan mo ang lahat ng elemento ng krimen.

Sa paksang ito, may dalawang elemento lang ang illegal recruitment:

(1) Wala siyang lisensya or authority mula sa POEA

(2) At ginagawa niya ang mga bagay na nakasaad sa Labor Code [Article 13(b) at Article 34].

Sa unang elemento, madali lang ito. Kailangan lang ipakita sa husgado ang Certification mula sa POEA na walang lisensya ang taong nag-recuit sayo.

Kung gusto mo agad malaman kung may lisensya siya ay punta ka dito sa website ng POEA: Status of Recruitment Agency. (Ilagay ang pangalan ng Agency at pindutin mo ang “Enter” sa keyboard, kapag hindi gumana ang “Submit”).

Sa pangalawang elemento, kailangan magawa ng illegal recruiter ang isa sa mga bagay na ito: “any act of canvassing, enlisting, contracting, transporting, utilizing, hiring or procuring workers and includes referrals, contract services, promising or advertising for employment, locally or abroad, whether for profit or not.”

Mahaba ba? Sambot na kasi lahat diyan. Kulang nalang ipagbawal pati pag-ihi. Pero isa lang ibig sabihin niyan – kapag ang tao na walang lisensya sa POEA ay nagbibigay ng impresyon na meron siyang kakayanang magpadala ng manggagawa abroad para magtrabaho.

Hindi na rin kailangan na ipakita ang resibo na nagbayad sa  illegal recruiter. Ang kailangan lang ay testimonya ng mga biktima na pinangakuan sila ng trabaho sa abroad.

Yun lang talaga yun, walang etse-buretse. Kahit may pangakong sweldo o wala, basta ni-recruit siya papuntang abroad at wala siyang mapakitang lisensya, kabit siya, illegal recruitment agad yun!

Ang parusa sa taong napatunayan na illegal recruiter ay 6 taon – 12 taong kulong at fine sa halagang P200,000-P500,000.

Bukod diyan, maari rin uutusan ng husgado na ibalik ang perang nakuha sa biktima na may kasamang interes na 12% per annum.

SYNDICATED OR LARGE SCALE

Mas mataas ang parusa ng batas sa illegal recruiters kapag ginawa itong ng isang sindikato (syndicate) o “in large scale” dahil ito ay kinu-konsidera na economic sabotage.

Sindikato, ibig sabihin lang noon, ginawa ng 3 o higit pang tao. Hindi yung sindikatong napapanoond ninyo sa TV at pelikula na may mga goons, baril at maong na jacket.

Large Scale”, ibig sabihin naka-biktima siya ng 3 o higit pang tao o grupo. Kahit mag-isa lang siya kung 3 o higit pa ang na-biktima niya, ay “large scale” na agad yun.

Ang parusa naman sa illegal recruiter na syndicated or large scale ay habang-buhay na kulong (life imprisonment) at fine na P500,000-P1,000,000

NON-BAILABLE

Walang piyansa o non-bailable ang illegal recruitement na syndicated or large scale dahil sa life imprisonment ang parusa.

Ibig sabihin, habang nililitis ang kaso ay naka-kulong siya sa city jail. At dahil sa mabagal ang usad ng kaso dito ay mabubulok na siya doon kahit hindi pa nahuhusgahan. Isama mo pa ang mala-impyernong kundisyon ng kulungan natin, ay parang nakabawi ka na rin. Kaya hindi siya matutulungan ng limpak-limpak na perang nasambot niya.

Kaya ang style diyan, kung mag-isa lang ang illegal recruiter ay dapat mag-usap-usap ang mga biktima at sabay-sabay na mag-file ng kaso para maging non-bailable agad.

But wait there is more…

ESTAFA

Bukod sa illegal recruitment ay maari rin silang kasuhan ng Swindling o Estafa [Art. 315, par 2(a)] ng Revised Penal Code. Dahil kasi sa kanilang mabu-bulaklak na pananalita at pangakong trabaho sa abroad ay nakumbinse nila na magbigay ng pera ang biktima. Ito ay may parusang kulong na prision correccional (6 buwan- 6 taon) hanggang prision mayor (6 taon – 12 taon).

Kaya dalawang sentensiyang magkasabay ang bubunuin ng isang illegal recruiter.

Sa lahat ng ito, dapat determinado ang mga nagrereklamo na ituloy-tuloy ang kaso. Kapag hindi kasi tinutukan ay makakalaya lang ang illegal recruiter at maaring mang-biktima ng iba mong pang kaibigan at kamag-anak.

10 PAYO

Prevention is always better that cure. Para hindi na sumakit ang ulo at bulsa, ito ang ilang paraan na pinapayo ng POEA para maiwasan ang illegal recruiter.

(1) Huwag mag-aaply sa hindi lisensyado.

(2) Huwag makipag-transaksyon sa mga lisensyadong agency ngunit walang mapakitang  job order.

(3) Huwag makipag-transaksyon sa mga taong hindi authorized representative ng mga lisensyadong agency. Humanap ng ID at i-verify sa agency mismo.

(4) Huwag makipag-transaksyon sa labas ng opisina ng lisensyadong agency. Hindi sa canteen, hindi sa CR, kundi sa loob ng opisina lang. Tignan kung may provincial recruitment authority kung sa probinsiya ang transaksiyon.

(5) Huwag magbayad ng placement fee na lagpas sa isang buwang sweldo bukod sa documentation cost.

(6) Huwag magbayad ng placement fee kung wala pang valid employment contract at syempre humingi ng official receipt. Hindi yung sinulat lang sa tissue paper.

(7)  Huwag maing-ganyo sa patalastas o brochures na pinapa-submit kayo ng dokumento o pera sa isang P.O. Box lamang.

(8)Huwag makipag-transaksyon sa mga training centers o travel agency lamang.

(9) Huwag tumanggap ng tourist visa lang.

(10) At huwag makipag-transaksyon sa salot na fixer.

Yan lang po. Sana may natutunan kayo.

——————————

“You can fool all the people some of the time, and some of the people all the time, but you cannot fool all the people all the time.” – Abraham Lincoln

Sources: Republic Act 8042 also known as “Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995”; Article 315 of the Revised Penal Code; Labor Code of the Philippines; People of the Philippines vs. Nida Adeser Y Rico, G.R. No. 179931, October 26, 2009.

Image from http://reynaelena.com/wp-content/uploads/2007/10/gnob_ofw.jpg

10 responses to “THE RECRUIT

  1. Ito ang malinaw talaga para maiwasan ang mga buwayang illegal recruiter. Tama ka Tito Boy na prevention is better than cure, kailangan lang na palawakin ang ganitong klaseng impormasyon sa ating mga kababayan para maiwasan at kabahan din ang mga walang dangal na sindikato.
    Nga pala, galing mong magsulat nakakatuwang basahin ang mga post, hindi nakakantok, may humor ika nga.
    Salamat uli.

  2. Napakaliwang ang sinabi mo Tito boy, dapat talaga mabasa lahat nang gustong mag abroad o first time pa palang sasabak sa pag aabroad, ika nga… “Prevention is better than cure” inulit ko uli…..

    Pag upo ko pa lang sa opis… open agad ang internet then type “www.panyero.wordpress.com” baka kasi may bagong topic…makaligtaan ko pa.. After nun syempre Work na…..

    Mabuhay ka Tito Boy….God Bless….

  3. Tito Boy can you pls Help me. read mu article cu khit wlang kwenta pls. kelangan lng. paramihan kc ng clicks. ahmm pls pakalat na din. pls tito boy.

    http://bit.ly/flipsy

  4. ayos! sana maraming makabasa nito, lalo na ung tungkol sa placement fee. hindi parin talaga mawala wala ang illegal recruitment, kasi naman marami padin ang gusto mabilisang paraan, marami padin ang nagpapaloko. dapat talaga magtanong, magtanong, magtanong pa uli. marami na ngayong available resources ang gobyerno para ma verify kung lisensyado nga ba ang isang ahensya o recruiter.

    **off topic.
    may kilala din ako, may exceptions po ba ang placement fee? kasi may kakilala rin ako, sa taiwan din ang punta, halos 90,000 ang singil ng agency, pero ang sweldo nasa 20-25k lang naman. bakit ganun, may job offer naman, at nakapag trabaho pag dating sa taiwan, yun nga lang sobrang laki naman, ang strategy ng agency: take it or leave it, maraming may gusto ng trabaho kumbaga 1st come 1st serve basis, kung sino unang makapag provide ng ganung halaga sya ung matatanggap at makakaalis agad bilang factory worker. hahays.

    nice post uli mamang abugado! ^^

  5. Bon, tawag sa agency na yan bwakaw, haha.

    Sinasamantala nila ang mga kawawang OFW, dahil dami kumakagat. Dapat ireklamo yan para matuto.

    Takot matanggalan ng lisensya yan kaya pagnaka-tanggap ng complaint yan from POEA, matatauhan yan hehe