THE HUNK

SIYA SI RODRIGO DACOYCOY. Isang gwapitong med rep, matipuno at makisig. Popular dahil sa kanyang ka-machohan kaya lahat ng babae, may ngipin o wala, ay gusto siyang yapusin. Pati mga bading ay kina-babaliwan rin ang kanyang bato-batong katawan at ang abs niyang mala-pandesal.

Bawat lugar kung saan siya na-destino ay meron siyang babae. Wala siyang sinasanto, taga-miriam, scholastican, paulinian, povedan, at pati bosconian, tinalo niya. Ngunit ni isa ay wala siyang dinala sa dambana ng simbahan at tuwing tatanungin siya ng kanyang mga syota ang tanging sagot niya: “Sorry, I’m not the marrying type“.

Bukod sa pagiging pogi ay makamandag din ang dugo niya. Kaya ‘yun, ang dami niyang dayunyor at lahat panganay. Kapag pinagtabi-tabi mo ang maliliit na Dacoycoy ay parang poster shoot ng United Colors of Benetton. Isa siyang deboto ng simbahan kaya sinusunod lang naman niya ang utos ng bibliya “Humayo at magparami”.

Dahil sa gusto niyang palawigin ang lahing Dacoycoy,  nais niyang ipagamit ang kanyang apelyido sa bawat isa. Ngunit hindi siya pinayagan ng NSO dahil lahat daw yun ay illegitimate.

Hindi nag-iisa si Rudy.

Iyan din ang dilemma ng isang senador na biniyayaan ng ka-gwapuhan, kakisigan, pamatay na bigote at mahigit 45 na anak (sabi ng iba 80 daw, hindi ako magtataka). Kaya ginamit niya ang kanyang kapangyarihan upang i-akda ang RA 9255 o An Act Allowing the Illegitimate Children to Use the Surname of Their Father. Tailor fit diba?

Bago ko ipaliwanag ang RA 9255, ay ibigay ko muna sa inyo ang background ng batas.

Una, sino ba ang legitimate at illegitimate child?

LEGITIMATE

1. Mga batang pinanganak sa loob ng kasal ng kanyang mga magulang (during the marriage). Ang mga batang conceived sa loob ng kasal ay legitimate rin. Conceived, ibig sabihin kelan nagtagpo ang sperm at egg. In short, kelan ginawa.

Kaya kung ipinanganak ang bata pagkatapos na-annulled ang kasal ay legitimate parin yun kung ginawa siya bago pa nangyari ito.

Nais ko linawin na iba ang annulment sa nullity. Bukod sa iba ang dahilan (grounds) ng dalawa, iba rin ang epekto. Ang annulment ay para sa valid na kasal ngunit naging invalid kinalaunan (voidable).

Ang nullity naman ay talagang void ang kasal sa simula. As-in wala, nada, zero. Parang walang nangyari. Parang hindi kayo nag-palitan ng “I do”. Para lang isang masamang panaginip. Isang halimbawa nito ay ang kasal na napawalang bisa dahil sa psychological incapacity.

Marami kasi akong naririnig sa radyo at tv na “nagpa-annul” daw ang dalawang artista pero psychological incapaciy pala ang ginagamit na ground. Mali yun. Dapat ang tawag dun “sila ay nagsampa ng nullity of marriage” hindi “nagpa-annul”.

2. Mga batang ginamitan ng artificial insemination. Kailangan gumawa ng kasulatan ang mga magulang at ipa-record sa Civil Registry kasama ng birth certificate ng bata. Ang donor ng sperm o surrogate ay hindi kikilalaning magulang.

ILLEGITIMATE:

1.  Mga batang pinanganak sa magulang na hindi kasal. Kasama diyan ang live-in o tinatawag na common-law marriage, kahit single silang dalawa o walang legal impediment para magpakasal.

2. Mga batang pinanganak sa loob ng kasal ng mga magulang ngunit kanilaunan ay nagkaroon ng declaration of nullity. Pwera na lang kung ang ground ay psychological incapacity. Kaya maganda talaga itong psychological incapacity, napawalang bisa na ang kasal mo, legitimate pa ang mga anak mo.

2. Mga batang pinanganak sa pakiki-apid (adulterous relation). Kahit pinanganak ang bata sa loob ng kasal, e kung iba naman tatay, syempre hindi na legitimate yun.

RA 9255

Nakalagay sa Art. 176 ng Family Code na ang illegitimate child ay dapat gumamit ng apelyido ng ina. Kahit parang carbon copy pa ni dayunyor ang kanyang tatay, hindi niya pwedeng gamitin ang apelyido nito. Binago ito ng RA 9255, kaya ngayon ay pinapayagan na ang illegitimate child na gumamit na apelyido ng ama.

Pero syempre dapat pumayag ang tatay.

Mahirap na, baka kasi isang umaga paggising mo ay magugulat ka na lang na may bata sa pinto ng bahay mo at humihingi ng baon at nang tinanong mo pangalan ay Jr. mo pa pala!

Ang pahintulot ng tatay ay dapat ilagay sa isang dokumento na public or private.

Public document ay maaring ang Affidavit na makikita sa likod ng birth certificate o kahit anong Affidavit na notaryado at nagsasaad na kinikilala niya ang anak bilang kanya.

Private document naman ay hindi notaryado pero dapat nasa sulat kamay mismo ng tatay at pirmado.

SINO ANG MAG-FILE

Kahit sino sa mga ito: ang mismong tatay, nanay, ang anak (kung nasa hustong edad), o taga-pangalaga (guardian) ng bata.

SAAN

Sa Local Civil Registry Office (LCRO) ng lugar kung saan pinanganak ang bata. Kung ang bata ay pinanganak sa labas ng bansa o ang mga dokumentong nabanggit ay ginawa ng tatay sa labas ng bansa, ay mag-file lamang sa LCRO ng Manila.

ANO ANG I-FILE?

Ang public document na ginawa ng tatay.

Kapag ayaw makisali ng tatay pero mayroon kayong hawak na  private document na ginawa niya dati (noong nalasing siya) na kinikilala ang anak niya, samahan ninyo ng Affidavit to Use the Surname of the Father at dalawang (2) record ng tatay bilang patunay, tulad ng  SSS/GSIS, ITR, employment record, insurance, certificate of membership of any organization, statement of asset and liabilities.

Nililinaw ko na hindi ibig sabihin na kapag isinumite ninyo ang  public o private document sa LCRO ay papalitan na ang entry ng pangalan sa birth certificate. I-annotate lang ito sa birth certificate at nakalagay dun na pumayag ang tatay na ipagamit ang apelyido niya sa bata.

Ang mga taong pinanganak bago ang batas na ito ay sakop pa rin, kaya’t mabuti pa ay hingin na ninyo ng pahintulot ng kanilang mga ama bago pa sila kunin ni Lord. Hindi na kasi nakakapagsalita ang patay, hindi na niya masasabi ang tunay na nangyari noong gabing ‘yon at maitatanggi ang akusasyon.

Kung ayaw ninyo dahil hindi naman karapat-dapat para sa inyo ang kanyang ama, ok lang din. Wala namang pumipilit. Pero kung ang ama ay isang bilyonaryo at maraming ring anak, nako bilis-bilisan mo para maambunan ka ng mana.

‘Yun lang po.

———————–

“The child should not suffer the stigma of his illegitimacy” – Ramon Revilla Sr.

Sources: Republic Act 9255 An Act Allowing Illegitimate Children to Use the Surname of their Father, Amending for the Purpose, Article 176 of Executive Order No. 209, Otherwise Known as the “Family Code of the Philippines”. Family Code of the Philippines, Republic of the Philippines vs. Trinidad R.A. Capote, G.R. No. 157043, February 2, 2007

11 responses to “THE HUNK

  1. BASE…

    legitimate ako..haha. salamat sa impormasyon.

  2. galing! uu nadidinig ko na ung ganyan batas pero wala ako idea na si sen.revilla sr. pala ang nag akda.. proper naman din kasi yun. naobserve na natin dati ung mga illegitimate nahihirapan din magpaliwanag minsan sa mga kaklase o kaibigan kung bakit aplido ng nanay nila ang gamit dun palang parang dyahe na kasi na “anak ka sa labas”. mainam nadin yang batas na ganyan. sala mat po uli sa inpormasyon.

    kasulatan lang po ba talaga ang requirement? at basta pumayag ang tatay? hindi na kailangan ung magastos pang DNA tests, atbp.

  3. ganda nang paliwanang mo tito boy….
    una ko palang narinig ang batas na yan…. ako’y natuwa dahil maraming matutulungan ang batas na yan….

    Ang mahal pala nang DNA test… tapos hindi pala sayo…. masasakal mo ung nanay….hehheh

  4. hmmmmm… pweded😀 hahahaha

    kasi po,ako ay legitimate child🙂 and anak ko lang ang hindi.. hehehe kasi single-mom ako,pero okay lang din naman sa akin na dalhin nya ang apelyido ko kasi wala din naman akong hiningi mula sa tatay niya🙂

  5. ako ay isang illegitimate child. sa paanong paraan? secret. hahahaha😀

  6. Pingback: THE HUNK « Batas Para sa Mahirap…Umintindi