MANDAMIENTO DE ARRESTO

NAKATAYO KA SA MAY QUIAPO habang naghihintay ng sasakyan papuntang Fairview ng biglang may lumapit sa ‘yong naka-unipormeng pulis at iniimbitahan ka na sumama sa presinto. Pero ang imbitasyon ay parang sapilitan.

Whether you like it or not, kailangan mong sumama”, sabi ng Pulis.

Para sa iyo, wala ka namang ginawang masama. Inisip mong mabuti ano ang kasalanan mo, pero wala kang matandaan (naisip mo lang ay yung nag 1-2-3 ka sa dyip noong nakarang araw dahil wala kang pamasahe, pero bukod dun wala na). Noong tinanong mo kung may warrant of arrest siya laban sa ‘yo ay wala siyang mapakita.

Ano gagawin mo? Sasama ka ba?

KAILAN MO BA MASASABI NA IKAW AY INAARESTO?

Ang pag-aresto ay ang pagkuha sa isang tao ng mga otoridad at ilagay sa kustodiya nila para panagutin sa mga krimeng kanyang maaring nagawa. Take note ninyo ng salitang “maari nagawa”, ibig sabihin, hindi pa napapatunayan ng husgado na may nagawa ka nga. Pero ikaw ay nilalagay sa kustodiya (under custody) ng batas dahil baka tumakbo ka raw at takasan ang iyong pananagutan.

Kung gusto mo pansamatalang lumaya habang nililitis ang kaso mo, ay pwede kang mag-apply ng bail o piyansa. Dahil kung tutuusin ay inosente ka pa rin hanggat ‘di pa napapatunayan na ikaw ay may sala (innocent until proven guilty).

At bawat isa sa atin, mayaman o mahirap, ay hindi pwedeng arestuhin ng basta-basta ng walang warrant of arrest. ‘Yan ay gina-garantiyahan mismo ng Saligang Batas (Constitution). At eto rin ang unang-unang hahanapin mo kapag pinipilit kang damputin ng mga otoridad ng walang dahilan. Kung hindi nadala ang mismong warrant of arrest ay dapat ipakita sa ‘yo matapos kang arestuhin as soon as practicable.

TANGING HUKOM

Ang warrant of arrest ay dapat nakasulat at pirmado ng hukom…at hukom lang. Hindi nagpapalabas ng warrant of arrest ang pulis, piskal, abogado, baranggay chairman, boy scout, cub scout at sino pang Ponsyo Pilato diyan. Kapag may pinakita sa iyong warrant of arrest at pirmado ng isang “major” o “kernel” kuno, ay sirain mo sa harap nila at ibato mo pabalik. Pero kung may dala silang baril, e ngumiti ka na lang at tumawag ng abugado :)   

PROSESO

Bukod sa hukom lang ang nagpapalabas ng warrant of arrest, ay hindi ito basta-basta ini-issue. Mandamiento ng ating Saligang Batas na dapat may probabale cause na personal mismong inalam ng hukom, matapos niyang usisain ang nagrereklamo o testigo na nanumpa ayon sa batas (determined personally by the judge after examination under oath or affirmation of the complainant and the witnesses).

At bago umabot sa lamesa ng hukom ang kaso mo ay dadaan muna yan sa Public Prosecutor’s Office o kilala sa tawag na fiscal. Tama, dapat kahit papaano ay nakatanggap ka muna ng subpoena sa fiscal bago isampa sa hukuman at magpalabas ng warrant of arrest ang hukom.

Kaya kung wala kang naa-alalang kaso sa fiscal at may warrant of arrest ka daw, mag-taka ka na, baka hulidap yan at peperahan ka lang.

PROBABLE CAUSE

Eto ang pinaka-importanteng dahilan para mag-issue ng warrant of arrest ang hukom. Kung walang probable cause ay walang warant of arrest at maaring ma-dismiss na ng lubusan ang kaso mo.

Masasabing may probable cause, kung batay sa pangyayari, maniniwala ang isang resonable at maingat na tao na maaring nagawa mo nga ang krimen (lead a reasonably discreet and prudent man to believe that the crime was commited by the person to be arrested).

Ibig sabihin lang nun, common sense. Oo, sintido kumon lang, hindi mo na kailangang maging hukom. Kung pagtatagpi-tagpiin ang mga nangyari, maniniwala ka na maaring nagawa nga niya ang krimen.

Tulad ng kaso ng mga Ampatuan, bilang isang taong resonable at matino, base sa mga lumalabas na pangyayari, maniniwala ka na talagang pinagpapapatay niya ang mga taong yaon. Yan ang probable cause.

Pero hindi ibig sabihin na kung may probable cause ay guilty ka na agad. Syempre, magkakaroon pa ng paglilitis at mas lalalim ang kwento at maaring lumabas ang mga katotohanan. Nasa preliminary stage pa lang kasi ng pag-determine ng probable cause kaya marami pang pwede mangyari sa paglilitis at hindi malayong ma-acquit ang akusado kinalaunan.

WARRANTLESS ARREST

Meron ding mga kasong hindi na kailangan ng warrant of arrest. At sa mga kasong ito, ang pribadong taong tulad mo ay pwedeng makisaw-saw at makihuli na rin. Tinatawag natin yang citizen’s arrest.

(1)    Kung ang taong aarestuhin ay naka-gawa o may ginagawa nang krimen sa harap mo (has committed, is actually committing, or is attempting to commit an offense).

Syempre, kung may ginagawa nang kabulastugan sa harap mo yung tao, pupunta ka pa ba sa fiscal para magsampa ng kaso?

Nais ko pong linawin na kung nagpa-plano pa lang ang isang tao gumawa ng krimen ay hindi siya paparusahan ng batas (conspiracy to commit crime is not punishable). Pwera na lang kung pinag-iisipan nila ay ang mga krimeng treason, rebellion, insurrection, coup d’etat (kudeta), sedition o arson.

Kasi nasa utak niya pa lang yun at hindi pa ginagawa ang elemento ng krimen. Kaya kahit mukhang holdaper ang katabi mo sa dyip ay hindi mo pa siya pwedeng arestuhin, hanggat hindi siya nagdedeklara ng holdap o bumubunut ng patalim o baril at itinutok sa iyo o ibang pasahero. Malay mo talagang ganun lang ang mukha niya kasi ayaw maligo at hindi naman pala holdaper.

(2)    Kung may nangyaring krimen at base sa pangyayari ay may probable cause ka na ang taong aarestuhin mo ay ang gumawa ng krimen.

Ang pinagkaiba dito sa nauna ay hindi mo personal na nakita ang krimen o hindi nangyari sa harap mo. Pero base sa pangyayari ay naniniwala ka na ang taong aarestuhin mo ay ang gumawa ng krimen.

Halimbawa, may nakita kang bruskong lalake na tumatakbo papalapit sa ‘yo at may hawak na pambabaeng hand bag (kulay pink) at may babaeng sumisigaw ng “Snatcher! Snatcher!”

Ano iisipin mo?

(a) Yung lalake ay nag-jojoging lang at mahilig siya sa kulay pink na handbag? o

(b) Isa siyang snatcher at dapat mong arestuhin bilang mabuting mamamayan?

Sabi ko sa inyo, common sense lang ang probable cause.

(3)     Ang taong aarestuhin ay nakatakas na preso.

Sentensiyado na yan. Wala nang warrant of arrest na kailangan. Napatunayan na ng korte na gumawa siya ng krimen.

BREAK INTO BUILDING OR ENCLOSURE

Ang taong mag-aaresto ay may karapatang pumasok sa gusali kung naniniwala siya na ang aarestuhin ay nasa loob at ayaw siyang papasukin matapos magpakilala at magpakita ng warrant of arrest.

KARAPATAN NG NAARESTO

Karapatan naman ng naaresto na bisitahin at maka-usap ang kanyang abugado sa anumang oras, araw o gabi.

CONCLUSION

Inuulit ko, walang karapatan ang sinoman ang umaresto sa inyo ng walang warrant of arrest, pwera na lang sa mga exceptional cases na nabanggit ko.

Ipaglaban ang karapatan, huwag aanga-anga.

——————————————–

“There are two kinds of truth. There are real truths, and there are made up truths. [On his arrest for drug use]”
– Marion Barry quotes

Sources: Revised Rules on Criminal Procedure Rule 113; People vs. Tan, G.R. No. 182310, December 9, 2009; Judge Abelita III vs. Doria et al, G.R. No. 170672, August 14, 2009; Valeroso vs. Court of Appeals et al, G.R. No. 164815, September 3, 2009

9 responses to “MANDAMIENTO DE ARRESTO

  1. Base ako…. sa wakas…. ang galing tito boy… yan ang gusto ko malaman… may mga gago kasing pulis… hindi naman lahat (excuse my word) na akala nila hawak na nila ang mamayan at makapangyarihan na sila kasi may chapa at baril sila…. Dapat talaga huwag maging anga anga pag batas ipaglaban ang karapatan…
    Salamat sa magandang impormasyon… Mabuhay ka…

    Time: 1:57pm
    Place: Office ( kunti ang work kaya nag bukas nang net….heheh)

    • Meron din namang matitino, natatabunan lang sila ng makukulit na pulis hehe. Yung iba bluff lang, kaya pag alam nila na may alam ka, aatras din yan at hindi itutuloy ang pag-arest haha.

  2. hmmmm.🙂

    pero iba kasi minsan yung nangyayari diba. kahit walang warrant of arrest, inaaresto pa rin. (though hindi naman kasama sa exception)
    mga abusadong pulis. tsk!
    though minsan o kadalasan, tagasunod lang naman yung mga pulis eh. ginagamit lang sila ng ibang tao.

    ako, gusto kong maexperience makulong. kahit isang araw lang. haha😀

  3. the whole truth and nothing but the truth!

    ayun naman pala eh. hindi basta basta,at syempre ung popular na mirandan rights? ^^ magandang example sa mga nangyari yung dating kay ted failon, lahat na yata ng klase ng pag aresto dun napanood natin haha!

    tanong lang po. yung bail or pyansa po ba saan napupunta? nababawi ba un pag napatunayang walang kasalanan? at kung mapatunayang meron, makukuha padin ba yun?

    • bon, reserved sa next post yan haha..
      yung kay ted failon talagang garapalan. sabi kasi ng pulis, fresh pa yung incident. pilit nilang pinapasok sa exception na “the crime has just been committed” pero ilang araw na yung incident. kaya yun na sibak sila haha.

  4. another mabuting kaalaman maigi ng tagalog para higit maintindihan..ang cool ni atty noh??..nasubukan ko na ring nakulong dahil sa curfew dito sa aming baryo..kala nila teenager pa lang ko kasi mukha akong bata kahit pilit ko sinabi na adult na ako..atyun binitbit kmi ng mga pulis..hahaha…katakot din humimas ng rehas..viva atty!!

  5. Pingback: MANDAMIENTO DE ARRESTO « Batas Para sa Mahirap…Umintindi