PAUMANHIN

PAGOD, BASA NG ULAN, ‘DI MAKA-UWI AT TADTAD NG KAGAT NG LAMOK. ‘Yan ang estado ko ngayon habang sinusulat ang post na ito.

Dapat kasi ay humihilik ako ngayon sa loob ng Cebu Pacific Flight 5J-788, galing Butuan pauwi ng Maynila, habang nagde-demo ang flight attendant kung paano gamitin ang life jacket kung sakaling mamalasin.

Pero hindi.

Andito ako ngayon sa loob ng malamok, mainit at maingay na internet cafe sa lungsod ng Butuan. Paano ba naman, naglaro si Bathala at nag-buhos ng malakas na ulan kaya walang naka-tuntong na eroplano sa paliparan.

Kasama ng buhos ng ulan ay ang kamalasan dala nito dahil bukas ng 6am ang rescheduled flight ko sa lungsod pa nang Cagayan De Oro na may halos 4 na oras ang layo galing sa Butuan.

Tama, bukod sa bukas pa ako makaka-uwi, ay dapat sumakay ako ng bus mamayang alas-dose ng hatinggabi, para makaabot sa Cagayan De Oro ng alas-4 ng umaga at habulin ang pinaka-unang  flight papuntang Maynila.

Samahan mo pa ng katotohanang hindi ko alam paano pumunta sa airport ng CDO, kaya maari akong iligaw ng bus driver at dalhin sa Maguindanao. Naisip ko ngang baliktarin ang aking kamiseta bukas, hindi dahil sa baka maligaw ako, kung hindi wala na rin akong masuot.

Ang buhay nga naman.

Kaya parang isang sariwang hangin nang mabasa ko ang ilang magagandang comments ng mga taga-subaybay ng blog na ito, na puno ng inspirasyon para ipagpatuloy ang aking ginagawa, at ipilit isingit ang pag-update sa gitna ng medyo busy kong schedule. Masarap isipin na may ginagawa rin pala akong makabuluhan.

Ngunit sa oras na ito, ay pilit ko mang gawin ang paksa ng Bail ay hindi ako maka-isip ng matuwid, habang nag-mumurahan, nagsisigawan at nag-aasaran ang mga batang nag-cutting classes para maglaro ng DOTA, Counter Strike, at yung iba ay patago pang bumibisita sa porn sites, na nasa tabi ko.

Nagtatabaan na rin ang mga lamok dito na nagpe-fiesta sa pag-papak sa binti kong flawless. Hindi kinaya nang ilang pulgadang balahibo ko sa hita ang mala-karayom nilang kagat.

Kaya muli, paumanhin sa inyo mga kaibigan.

——————-

I seldom end up where I wanted to go, but almost always end up where I need to be” – Douglas Adams

18 responses to “PAUMANHIN

  1. sumakay ka ng BUS papuntang Cagayan de Oro, pagdating mo sa AGORA terminal kumuha ka ng taxi papuntang AIRPORT, at dahil malayo yung airport malamang sasabihin nung driver kung magkano ang singil nya dahil wala syang makukuhang pasahero pabalik, malaki na yung 300 pesos na ipambabayad mo. okay na siguro yung 200🙂 tanong ko muna mga friends ko kasi d naman ako masyadong nagtataxi.. madadaanan mo yung SM kung papunta ka ng Airport. Kung nakita mo na yun,malamang malapit ka na…

  2. hahays, madalas talaga mangyari yan dyan sa Butuan, at sa CDO din, konting ulan lang zero visibility kadalasan. minsan pa nga napadpad pa ko sa cebu. anyway, kung mas maaga ko sana nabasa ‘to, i’d suggest byahe na ngayon puntang CDO, doon na matulog para siguradong aabot sa flight bukas ng umaga, kaya lang huli na ang lahat kaya byahe ka na lang midnight. ingat na lang sa byahe at sana wala ng ulan kasi Butuan at CDO pareho palagi ang kaso🙂

  3. Panibagong adbentyur para sa iyo yan, naiba-iba naman ng scenery. Ganyang talaga ang buhay parang life ika nga.
    Natawa ako sa mga nagdo-DOTA na mga bata hahaha, nakakapag-joke ka pa naman mukhang ok ka pa.
    Ingat sa biyahe at enjoy!

  4. batangmangyan, jongskie721 at ferdz,

    Salamat at nandito nako manila. Tama ang mga suggestions ninyo. Batangmangyan salamat sa tawag.

    300 yung una siningil ng taxi tumawad ako 250 kasi 2 naman kami kaya share.

    home sweet home

  5. walang anuman🙂 basta sa cagayan at bukidnon lang, may konti din akong alam.. hehehe

  6. hahaha… kung mamalasin ka nga naman ano?? ganyan talaga ang buhay weather weather lang lolz

    keep on blogging sir.. napakalaking tulong ng ginagawa nyo.. at oo nakapaka makabuluhan gawain po😉

    take your time

  7. adventure pala ung napuntahan mo… at naapakaswerte nang Lamok nakasipsip nang Dugo nang Maynila…hehe

    Mabuti na lang at safe kang nakarating sa Manila..
    Mabuhay ka ….

    time: 9:33am
    place: Opisina ( work…work work…then chat…kunti…)

  8. two years ago, papunta akong bukidnon via CDO. pero bago kami lumapag, ilang beses munang umiikot ikot sa himpapawid ang eroplano dahil sa dilim ng langit noon. pero hindi ko dinanas ang pamamapak ng lamok.

    ang dinanas ko, nung nasa bukidnon na e, gaya nang binalak mong gawin sa kamiseta mo. hindi nga lang kamiseta, kundi undie. ang tawag ng mga sanay bumiyahe e, SIDE B.

    ay’s ‘yan😉

  9. mabuti naman po at nakauwi p kayo ng buo. kung ako lang siguro nasa lagay niyo baka di pa ko nakakauwi hanggang ngayon. Hehehe. Pahinga po kayo Tito Boy!😄

  10. Kunting tiis makakapaghintay naman ang mga taga subaybay mo. Hindi mo na kailangang magpakahirap sa internet cafe at magpalamok. Mabuti at hindi ka tinamaan ng dengue.

  11. ok yan, para lang nag commercial break tayu dito sa blog mo hehe. kala ko hahaluan mo ng batas pangkalawakan ang sitwasyon mo eh. o kaya naman batas ng kalikasan ahihi!!

    late ako nag comment nasa manila ka na now hehe!

  12. Pingback: PAUMANHIN « Batas Para sa Mahirap…Umintindi