CHEWBACCA MAN AY MAY KARAPATAN DIN

KONTRAKTUAL KA BA? May duration ba ang pananatili mo sa trabaho? ‘Yun tipong, matapos ang ilang buwan ay bigla ka na lang tatanggalin sa trabaho at ipapasok ang ibang batch ng maggagawa.

Lagi ka na lang ba mangangamba tuwing matatapos na ang kontrata mo, dahil hindi mo alam kung saan ka hahanap ng panibago trabaho?

Naligo ka na ba sa dagat ng basura? O nag pasko sa gitna ng kalsada? — ay teka mali, na last song syndrome kasi ako sa jingle na yun — balik tayo sa topic…

Ganito ang sitwasyon ng ilang mga manggagawang nagtatrabaho sa constructions, factories, call centers, fast food chains, department stores, just to name a few.

Ang tanong, legal ba ‘to?

Lahat ng manggagawa ay may security of tenure. Kapag natanggap kayo sa trabaho ay hindi kayo basta-basta matatanggal ng boss mo kahit ipagpalagay na natin na kamukha mo si Chewbacca.

Maliban na lang kung ikaw ay isang project employee.

PROJECT EMPLOYEES

Kinikilala ng batas ang mga project/seasonal employees.

Sila ay yung mga naatasang gumawa ng partikular na proyekto o gawain (specific project or undertaking), kung saan ang tagal at lawak ng trabaho ay pinaalam na sa mga manggagawa sa simula pa lamang ng proyekto (duration and scope of which were specified at the time the employees were engaged for that project).

Tulad sa construction, syempre, kapag natapos na ang proyektong gusali, e ‘di tapos na rin ang trabaho nila. Sa call center naman, syempre kapag natapos ang kontrata sa kliyente ay tapos na rin ang kontrata sa manggagawa.

Hindi naman kasing pwedeng pilitin ang kumpanya na i-retain at swelduhan ka buwan-buwan kahit walang proyektong ginagawa.

Ang pinagka-iba ng project employees ay co-terminus ang trabaho nila sa pagkatapos ng proyekto o kontrata, samantalang sa regular na empleyado, ay pwede silang magtrabaho hanggat buhay ang kumpayang pinapasukan o matanggal ng may sapat na dahilan (just cause).

Kaso kapag wala namang talagang proyekto at paulit-ulit kayong kinukuha ng kumpanya dahil ginagawa ninyo ang bagay na kasama sa kanilang negosyo (perform tasks necessary to the usual trade or business);

O di kaya natapos na ang proyekto ay patuloy pa rin kayong nagtatrabaho – ibang usapan na yun. Sa ganitong sitwasyon, nagiging regular na empleyado na kayo.Kaya kadalasan, hindi na binabalik matapos tanggalin para maiwasang maging regular ka.

Uulitin ko, ang lehitimong project employees dapat:

1. May lehitimong proyektong pinag-uusapan at pinaliwanag sa inyo kung ano ang sakop at haba (duration and scope) ng proyekto sa simula pa lang ng pirmahan ng kontrata.

Hindi yung, nakalagay lang sa kontrata na 6 na buwan ay tanggal na kayo sa trabaho, ngunit wala naman proyektong pinag-uusapan. Tulad ng nagta-trabaho sa department stores at mga fast food chains na wala namang “proyekto” o “season” na masasabi kasi buong taon naman silang bukas.

2. At kung magpatuloy ang trabaho ninyo sa kumpanya kahit tapos na ang proyekto o kontrata ay maituturing ka nang regular na empleyado.

Kaya magpa-inom ka na sa Alibang-bang (yung sa may Cubao, text mo ko).

3. Kapag natapos ang proyekto, dapat nag-susumite ng termination report ang kumpanya sa DOLE. Kung ‘di ay yari sila at magagamit mo ito sa kaso mo for regularization sa NLRC.

4. At hindi ka basta-basta tatanggalin sa duration ng proyekto. Hanggat hindi natatapos ang proyekto ay may security of tenure ka rin.

Bukod dito ay may ibang raket pa ang mga kumpanya para baratin kayong manggagawa tulad ng mga probationary o casual employees “kuno”.

Kaya stay tuned at bantayan mo muna si Princess Leia sa galaxy far, far away…

—————-

“You never ask why you’ve been fired because if you do, they’re liable to tell you.” – Jerry Coleman

15 responses to “CHEWBACCA MAN AY MAY KARAPATAN DIN

  1. Ayus ang hirit mo Atty. may last song sundrome pa? O baka naman un ang bet nyo?

    Malinaw ang paliwanag, parang sibol ng tubig sa bundok na isa akong Project Employee, kasi na-satisfied lahat ng sinulat nyo. Pero legal ba ang pag-extend sa mga project employee? Kasi minsan ‘di maiiwasan na magkaroon ng aberya ang isang project kaya kailangan na lahat din ng tao na involve ay mag-extend din.

  2. ferdz,

    hindi ko bet yan, disclaimer lang hehe. nasa bicol ako sa election kaya hindi ako makaka boto.

    Ok lang ma-extend basta same project. Ang masama, tapos na project, pinapatrabaho ka pa rin ng iba na wala sa contract, kaya dapat gawin ka regular pag ganoon.

    sabi ko para sayo tong post na to hehe.

  3. Sir.. mukang isa ka na din sa mga na LSS sa song na un aa.. kahit ako minsan napapasabay sa tv pag kinokomersyal un.. hehehe!!

    kung ganun pala Sir ilegal ung ginagawa ng ilang mga fastfood chain or sabihin na nating lahat ng fastfood chain kasi ginagawa nila recontract ng recontract for 5 months mga crew nila pag na endo na.. kasi ako 2 years akong nag work as crew sa isang fast fud chain at di ako nareg. puro recontract lang. masama pa dun wala kami 13 month n nkuha na napag alaman ko na dapat e meron ako kasi sabi nio dito sa blog nio.. bat kasi late na kayong nagpakita sa mundo. ayan, ngaun lang ako nagiging aware sa mga karapatan ko.. hehehe! pero Sir astig tlaga kayo..

    isang hirit pa nga jan ng kanta Sir.. “nakaligo ka na ba sa dagat ng basura?” ^_^

  4. AsOL,

    Isasama na kita sa mga iskolar ng blog na ‘to para mapalawig pa ang kaalaman mo!

    Sabay-sabay:

    “Si Manny Villar…ang magbaba-on sa atin sa kahirapan!”

    Teka, mali ata lyrics ko.

  5. wahahaha! adik ka sir! yari ka ke Villar ang tunay na mahirap!!! wahahaha!

    lahat sila gusto maging mahirap.. sige palit kami.. akin na lang mga kayamanan nila.. ako na tunay na mayaman!

    ^_^

  6. hmm baket kaya hanggang ngayon ay nagagawa pa din ng mga fastfood, department stores, supermarket ang ganyan, gayung alam naman pala ng mga nasa gobyerno na mali ang ginagawa nila.

  7. aba, nahuli ako sa reply…hehhe
    Atty, tanong ko lang… bilang isang project employee na pinadala sa ibang bansa…for almost 3 years, ( di pa ba regular ito…) at ikaw ay may extension after nang contract with the same project… pwede bang sabihin sa management na baguhin ang contract, and of course salary adjustment because of extension….at pwede rin bang tumanggi sa extension kahit nakasaad sa contract na “they will extend your contract depend on project status”. Marami pong salamat…
    time : 9:46am
    place: Office ( singit uli….hhhehhe)

    • Hindi pwede baguhin ang contract nang walang pahintulot ang isang partido. Yan ang isa sa characteristics na “mutuality of contracts”.

      Syempre dalawa kayong partido dito dapat mutual agreement kung may papalitan o babaguhin sa contract.

      Kaso, at malamang, baka nakasaad na sa kontrata mo na payag ka na baguhin nila ito kahit walang pahintulot mo.

      Syempre, sila gumawa ng kontrata at “take it or leave it” ang style. Tawag diyan “contract of adhesion” .

      Kaya bago kapa tumanggi sa pagbabago o extension sa kontrata, e nakasaad dun na pumapayag ka na at pirmado mo na yun.

      Tignan mo, basahin mo ulit yung pinirmahan mo, andun na yun.

  8. tito boy, sa contract ba ng project employees nakalagay na walang employee-employer relationship? and kailangan din ba na may SSS sila etc. kahit project employees lang? manadated ba ng batas yun?

  9. Rob aka Tito Boy

    Anna Reyes,

    Tignan mo, pangalan pa lang “project-employees”, e walang kaduda-duda na merong employer-employee relationship.

    Lahat ng Labor Standards (minimum wage, overtime pay, holiday pay, etc.) at pati remittance sa SSS, Philhealth, Pag-ibig ay mag-aaply.

    Ang pinagkaiba lang ay ang duration ng tenure ng project employees ay co-terminus sa project, ‘di tulad ng regular employees.

  10. salamat po tito boy…ang galing galing mo talaga….salamat sa pag-gawa nito, at di kailangang dumugo ang mga ilong namin sa kaiintindi ng batas na kayo lang ang may karapatang umintindi…. simple pero swak! sa uulitin po

  11. sir ang galing ng site na ‘to maraming matutulungan na pilipinong may mga katanungan tungkol sa mga batas na hindi pinapaalam talaga sa kanila.sana madami ka pang maituro sa aming mga mahirap umintindi:-)

    but wait there’s more…hindi lang un mapapatawa ka pa sa mga banat ni atty.kaya hindi ka maboboring magabasa.hehehe

  12. Para sa akin pala talaga, salamat. ito talagang trabaho na ito, panggulo sa pagsubaybay ko sa blog mo ‘di tuloy ako naka-reply agad.
    Ok sir, malinaw yung kundisyon na dapat same project lang.