IMMUNITY FROM SCREWED

TINALAKAY KO ANG PANANAGUTAN ng ina ni Ivler sa kasong obstruction of justice. At ayoko nang pag-aksayahan pa ulit ng panahon ang taong yun at baka kumita pa ang mga libro niya.

Pero nakalimutan ata ng karamihan na may ama-amahan din itong taong ito na nagtatrabaho sa ADB. Bakit hindi siya sinasampahan ng kaso?

Tinatanggi pa niya noong una ang whereabouts ng amerikanong hilaw pero nasa bahay lang pala nila. Porket ba nasa ADB siya ay meron siyang diplomatic immunity from suit?

Ganon-ganon na lang ba yun? Gagawa ka ng kabalbalan at kapag nahuli ka ay isasampal mo lang sa husgado ang iyong diplomatic immunity at laya kana?

Kapag sinabi mong may diplomatic immunity ang isang tao, ay hindi siya pwedeng kasuhan o ikulong. Ito ay bilang respeto sa bansang nagpadala sa kanya at malayang silang makakagalaw at maipatupad ang kanilang tungkulin.

Sino ba ang sakop ng diplomatic immunity?

HEADS OF DIPLOMATIC MISSION

(1) ambassadors or nuncios

Ambassador ay padala mismo ng head of state/government. Tulad ni Amb. Kristie Kenny, padala mismo yun ng presidente ng US. Kapag ambassador ang pinadala sa bansa ninyo, ibig sabihin ay malaki ang pagpapahalaga ng sending state.

Nuncios naman ang tawag sa padala ng Santo Papa. Ang Vatican kasi o Holy See ay tinuturing ding isang bansa kahit isa lang siyang Lungsod ng Roma.

(2) envoys, ministers or internuncios

Eto ay padala din ng head of state/government pero mas mababa ang ranggo. Kapag hindi masyadong “feel” ng sending state ang bansa mo at hindi pinapahalagahan, eto lang ang ipapadala sa inyo.

Pwede ring i-recall ng sending state ang kanilang ambassador at ipalit ang envoy as a sign of protest or displeasure kung nagka-tampuhan ang dalawang bansa.

(3) charges d’ affairs

Sabi ni Professor Sandoval, ang guro ko sa Public International Law, ang bigkas daw dito ay “charge-de-fa”. ‘Di ko alam kong nagti-trip lang siya o totoo yun, o baka hindi lang ako nakalinis ng tenga noong lectures niya.

Anyway, siya ang pinakamababa at pinadala lang siya ng minister o department secretary at hindi ng head of state. Kapag ni-recall ang ambassador at pinalitan ng charge d’ affairs, isang insulto na yun.

Staff of the diplomatic mission

Ang mga Diplomatic Staff ay mga anak din ng Diyos at may diplomatic immunity. Swerte ng mga kolokoy. Pero ito ay restrictive at hindi kasing lupit o absolute immunity na binibigay sa head ng diplomatic mission.

Hindi pala kasama sa may diplomatic immunity ang administrative, technical at service staff. Kaya sa mga kaskaserong driver ng mga ambassador na humaharot at tinatahi ang daan sa Roxas Blvd., na naka kulay blue na plaka, makinig kayo.

PERSONA NON GRATA

Kahit walang habol ang receiving state sa miyembro ng diplomatic mission, maari namang ideklarang “pesona non grata” ang taong involved, which literally means “unwelcome guest”. Kaya ire-recall ng sending state ang taong involved.

Kung ayaw paring umalis at makapal ang mukha, e hindi na kikilalanin ng receiving state ang ungas na yun. Ang pagpaparusa sa taong involved ay nakasalalay sa sending state. Wala tayo magagawa, ganoon talaga.

Kaya maingat ang mga bansa sa pagtatalaga ng miyembro ng diplomatic mission, para hindi mapahiya sa kinalaunan.

CONSULS

Sila yung tumitingin sa commerce, navigation, gumagawa ng administrative at notarial duties, tulad ng pag-issue ng  passports and visas, authentication ng mga dokumento, at administration of oaths.

Limitado lang ang  immunity ng mga ito dahil hindi sila pinadala ng bansa nila for political matters tulad ng  nasa diplomatic missions. Tipong minor infractions tulad ng jaywalking o paglabag sa color coding scheme ng MMDA, na kaya mo rin namang lusutan kapag kasama mo si Manuel Roxas at Sergio Osmena sa pitaka mo at kahit pati si Mauel Quezon sa mga araw na mahina ang kotongan.

PERSONNEL OF INTERNATIONAL ORGANIZATION

Ito yung mga tauhan ng international organization tulad ng WHO, World Bank ADB at iba pang organisasyong tinayo ng United Nations. Tulad ng ibang bansa may diplomatic immunity rin sila para magawa nila ang kanilang pakay na walang pangamba at panganib.

Pero ang mga diplomatic immunities nila ay limitado lang sa charter ng organization at nang kasunduan ng international organization at host country.

LIANG CASE

Hindi nag-iisa ang amain ni “Rambo” na nasa ADB. Dati ay may kaso nang katulad nito, ang Liang case (Liang vs People, G.R. 125865, January 28, 2000)

Si Jeffrey Liang ay isang ekonomista ng  ADB na pinag-mumura ang ka-trabaho niyang si Joyce Cabal.  Kaya si Liang ay kinasuhan ng Grave Oral Defamation sa MTC ng Mandaluyong. Syempre, walang sinayang na panahon si Liang at pilit tinago ang sarili sa saya ng diplomatic immunity bilang empleyado ng ADB.

Umabot sa Korte Suprema ang kaso at dito ay supalpal siya. Sabi ng Korte Suprema na nakasaad sa Agreement ng Pilipinas at ADB, na ang immunity nila ang limitado lamang sa mga ginawang bagay inofficial capacity“. At syempre, hindi kasama sa trabaho ni Liang sa ADB ang pagmumura sa kapwa niya.

Kaya yun, ibinalik sa mababang hukuman ang kaso at itinuloy ang pag-aresto kay Liang.

Ngayon, base sa kaso ni Liang at sa hinaba-haba ng pinagsasabi ko, ay eto lang ang dapat itanong diyan:

Kasama ba sa trabaho ng amain ni Ivler sa ADB ang pagtatago at pagkakanlong sa isang akusado sa krimen?

Was this done in his official capacity?

Hindi mo na kailangan maging isang ambassador para sagutin yan.

————————-

Nobody ever did, or ever will, escape the consequences of his choices.”-Alfred A. Montapert

14 responses to “IMMUNITY FROM SCREWED

  1. Pingback: IMMUNITY FROM SCREWED « Batas Para sa Mahirap…Umintindi

  2. salamat po sa info

  3. NOPE. hindi kasama sa iyong mga nabanggit. tama ba sagot ko? haha.

    tanong lang panyero, halimbawa na-hire ako as consultant ng isang international NGO abroad, hindi naman syempre ako pinadala ng presidente, o wala naman silang information regarding my work with that NGO, covered din ba ako ng diplomatic immunity sa bansang aking pupuntahan? do i have to seek diplomatic immunity? o kusang binibigay? salamat panyero.

    • Batangmangyan,

      Tumpak! pwede ka na maging ambassador hehe..

      Ano ba yung NGO nagpadala sayo?

      Maraming i-consider na factors:

      1. Sino ba nag tayo niyan? ang UN o ang mga bansa sa pamamagitan ng multi-lateral agreement?

      2. Binigyan ba ng immunity ang mga personnel ng NGO?

      3. Sino sa mga personnel ang may immunity & at what extent?

      Kaya, tignan mo ang charter o batas na nagbuo ng NGO mo, doon mo malalaman.

      • salamat panyero. pwede na maging ambassador ang batangmangyan, at ako malamang ang kauna-unahang ambassador na mangyan. haha.

        salamat at naliwanagan din ako sa diplomatic immunity.

  4. wow..kasali pala ako skolar nyo sir..salamat po..

    nakakatawa kasi mag explain si atty..kakawala ng antok..at malinaw pa

    about sa topic maganda rin alam natin yung mga batas para sa mga diplomatic na yan..kaya lagot sila at may alam na ako..

  5. gusto kong maging ambassador haha! sarap ng buhay nila awwwts!!

    ang tapang ng family ni ivler ngayon! nakakatuwa sila para lang silang nasa circus, maraming palabas clap clap! ^^ sana last na nga yan attorney at sisikat silang masyado dahil narin sa blog mo hehe.

    astig ng mga iba’t ibang klase ng diplomats, yun pala yun ahhh, now i know..

  6. Bon,

    Yabang noong nanay, di daw natin siya ma-gets kasi mga mangmang daw ang mga ordinaryong pinoy haha.

    Re: Foreign Service. Muntik nako sumali niyan dati. May exam sa DFA tuwing May para diyan, subukan niyo kaya. Ok benefits.

    Kaso naiba ihip ng hangin para sa akin at yun naging blogger tuloy haha.

    • gusto ko din mag Foreign Service exam eh.
      asteeg kasi.
      pero balita ko, yan daw ang pinakamahirap na exam sa Pilipinas! hahaha.😀

  7. hmmmm. blue yung passport ng mga yan diba? gusto ko nun!
    sana makapagtrabaho ako sa UN. gusto ko magtrabaho sa Africa at middle East!

    ako, kahit walang immunity okay lang. eh kasi, siyempre pinapangatawanan mo yung bansa mo sa ibang bansa eh. ikaw yung nagrerepresent. alangan naman gumawa ka ng masama. wag ganun. haha.

    pero kung hindi maiiwasan, ewan. bahala na😀

  8. Nalaman ko rin anag mga trabaho ng mga diplomats, cosnul at charge de af na yan, iyan pala ang mga gawa nila.

    galing ng quotes mo I like.
    “Nobody ever did, or ever will, escape the consequences of his choices.”

    Sa tingin ko sa lahat g pinoy na lumalabas ng bansa as isang ambassador sa bansang pupuntahan nila, ang pagkakaiba lang nga walang immunity.

  9. kahit po nagdurugo ang ilong ko sa pag intindi nito haha binabasa ko parin ahahaha… ang sarap matuto…

    ang galing ng pagkaka explain.. kelangan lang talaga ng concentration😀

    charge- de -fa … o ha